NAPAKASUWERTE ng mga magulang at kapatid ni Coco Martin dahil laging ang kapakanan nila ang iniisip ng actor. Tulad na lamang ng ukol sa pag-aasawa, sinabi nitong sa edad 35-40 ang ideal age ng pag-aasawa para sa kanya.
Kasi raw, ani Coco, gusto muna niyang bigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Ito rin daw kasi ang inisip ng kanyang mga magulang at lola, ang mabigyan sila ng magandang buhay. Kaya naman ibinabalik din lang niya iyon.
Nabigyan na ni Coco ng magandang tahanan ang mga magulang niya at mga kapatid pero hindi pa yata sapat iyon para kay Coco. Ang dinig namin, binigyan niya rin ang mga kapatid ng perang pangnegosyo.
Sinabi pa ni Coco na kapag maayos na talaga ang pamilya niya at saka naman niya haharapin ang sariling kaligayahan.
“Kasi ngayon, ang mga kabataan, hindi naman nagmamadali, eh. Mas iniisip natin ‘yung kinabukasan, ‘yung future. At saka ngayon, hindi lang ‘yung traditional na lalaki lang ‘yung nagtatrabaho pati dapat ang babae, kahit paano, kumbaga may magandang career, may magandang trabaho,” paliwanag pa ni Coco sa presscon ng pinakabago nitong summer series na Wansapanataym: Yamishita’s Treasures kasama si Julia Montes at mapapanood na sa Marso 22 (Linggo).
Samantala, masaya si Coco dahil muli siyang nagkaroon ng seryeng pambata. Sinabi niya noon na gusto niyang muling gumawa ng seryeng pambata pagkatapos ng napakabigat na teleseryeng Ikaw Lamang kasama rin si Julia.
“Kung nasanay po ang viewers na magkasama kami sa mabibigat na teleserye, rito naman po ay mas light, may comedy, love story, at action. Pakikiligin po namin kayo ngayong summer,” ani Coco na gaganap sa Wansapanataym bilang ang treasure hunter na si Yami.
“Tiyak na marami pong matututuhan dito ang mga kabataan, lalong-lalo na po tungkol sa pagpapahalaga sa mga tunay na ‘treasure’ natin sa buhay tulad ng pamilya, mga kaibigan, at pagmamahal,” sambit naman ni Julia na bibigyang buhay ang diwatang makikilala ni Yami na si Tanya.
Makakasama nina Coco at Julia sa kanilang Wansapanataym special ang mga premyadong aktor kabilang sina Eddie Garcia, Bing Loyzaga, Angel Aquino, Noni Buencamino, Arron Villaflor, Ryan Bang, Marlan Flores, at Alonzo Muhlach. Ito ay sa ilalim ng panulat nina Noreen Capili at Joel Mercado, at direksiyon naman ni Avel Sunpongco.
Ang Wansapanataym Presents Yamishita’s Treasures ay bahagi ng magical summer campaign ng Dreamscape Entertainment Television.
ni Maricris Valdez Nicasio