BILIB ang producer ng pelikulang Daluyong na si Ms. Baby Go sa bidang aktor dito na si Allen Dizon. Kaliwa’t kanang acting award kasi ang natatanggap lately ni Allen para sa pelikulang Magkakabaung (The Coffin Maker) ni Direk Jason Paul Laxa-mana.
“Magaling talaga si Allen, nakakabilib siya. Hindi lang dahil ang dami na niyang nakukuhang acting awards, kundi dahil din maayos siya sa trabaho. Kumbaga, professional talaga si Allen,” saad ni Ms. Baby.
Sa kasalukuyan, tinatapos na ni Allen ang Daluyong para sa produksiyon ni Ms. Go. Kuwento ito ng isang pari na may naanakang girlfriend. Reunion movie rin ito nina Allen, Direk Mel Chionglo at ng batikang manunulat na si Ricky Lee.
Excited ang naturang producer sa proyektong ito dahil bigatin ang cast ng pelikula. “Puro magagaling ang artista namin dito. Bukod kay Allen, nandiyan si Eddie Garcia, Aiko Melendez, Ricky Davao, at Diana Zubiri,” saad ni Ms. Baby.
Bukod sa Daluyong, katatapos lang gawin ng BG Films International ang Child House. Kasamang producers dito ni Ms. Baby sina Romeo Lindain, at Mario Marcos. Kabilang ito sa mga advocacy films na kanilang ginagawa upang magbigay ng aral at inspirasyon sa mga manonood.
Ang iba pang pelikulang nagawa ng kanilang movie company ay ang mga advocacy films na tulad ng Lihis, Bigkis, at Homeless.
ni Nonie V. Nicasio