Deliberate, ‘Programmatic Sustained’ BFP simula ngayong Marso — Roxas
hataw tabloid
March 7, 2015
News
“Kaligtasan sa sunog, alamin, gawin, at isabuhay natin!”
Iyan ang naging panawagan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at ng Bureau of Fire Protection (BFP) para sa taumbayan sa pagsisimula ng kanilang programa para sa Fire Prevention Month kamakailan sa Quezon Memorial Circle.
Sa tulong ni Sen. Franklin Drilon, 17 firetruck at tatlong ambulansya na donasyon mula sa gobyerno ng Japan ang opisyal na inihandog sa mga pinuno ng ilang mga lungsod at bayan sa Visayas na nasalanta ng bagyong Yolanda noong 2013.
Ayon kay Roxas, kailangan ng BFP ng isang sistematikong paraan para maipahatid ang epektibo at maasahang serbisyo para sa publiko.
”Deliberate: hindi bara-bara; programmatic: ibig sabihin hindi kanya-kanya; and sustained: ibig sabihin hindi ningas kugon, pangmatagalan,” paliwanag ni Roxas.
Dagdag niya, handang magbigay ang DILG ng mga pagsasanay, kagamitan, at kung ano pa mang kailangan ng BFP para makapagbigay ng maayos na serbisyo sa bawat Pilipino.
Kaugnay nito, nauna nang inihayag ni Roxas ang paghahanda sa 469 mas moderno at mas mabilis na firetrucks na ipamamahagi sa mga lungsod at bayan sa bansa.
“Hindi po bara-bara ang pag-designate kung saan mapupunta (ang mga firetruck),” pahayag ni Roxas.
Nasa post-qualification stage na ang isinasagawang procurement ng firetrucks.
Sa huli, pinasalamatan ni Roxas ang mga bombero dahil sa patuloy nilang pagganap sa kanilang tungkulin bagaman hindi laging tiyak ang kanilang kaligtasan.
Kabilang sa mga naunang nakatanggap ng mga firetruck sina Mayors Christopher Sheen Gonzales ng Guiuan, Edgar Boco ng Hernani, at Maria Fe Abunda ng Borongan City; Igmedio Ponferrada ng Basey; Pelagio Ticson Jr. ng Tanauan, Remedios Petilla ng Palo, Elmer Codilla ng Kananga, Charita Chan ng Babatngon, Edward Codilla ng Ormoc City at Alfred Romualdez ng Tacloban City; Raymund Locsin ng President Roxas; Rene Cordedo ng Estancia at Jed Patrick Mabilog ng Iloilo City; Oscar Montilla Jr., ng Sipalay at Ernesto Estrao ng Hinobaan; Gemma Adobo ng Cabucgayan; at Ian Christopher Escario ng Bantayan.