NAKIPAG-PARTNER ang Puregold Priceclub Inc. sa Azkals Foundation para sa isang nationwide fundraising campaign na pinamagatang Small Change, Big Change.
Layunin ng Small Change, Big Change na makalikom ng extra funds para sa opisyal football team ng bansa habang naghahanda ito para sa World Cup qualifying matches ngayong taon na siyang maaaring maging daan para makalahok ang team sa 2018 quadrennial football event.
Opisyal na inilunsad ang Small Change, Big Change kamakailan sa Puregold QI Central sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City, at dinaluhan ito ng Azkals Manager na si Dan Palami, ang coach ng team na si Tom Dooley, mga miyembro ng team, at ang advertising and communications manager ng Puregold na si Ivy Piedad.
Maglalagay ang Small Change, Big Change ng mga donation can sa mga key commercial establishment at mga store, at hihikayatin nito ang publiko na i-donate ang kanilang mga barya o sukli matapos silang magbayad sa counter. Ang Puregold ay ang unang supermarket chain na sumuporta sa campaign na ito.
“Ikinalulugod namin na ang Puregold ang isa sa mga pribadong organisasyon na nagdesisyong makiisa sa adhikaing ito sa pamamagitan ng kanilang pakikipagtulungan. Tatanawin naming utang na loob ang kanilang suporta,” ani Palami.
Ayon kay Palami, bagamat tumatanggap ang Azkals ng suportang pinansiyal mula sa Philippine Football Federation at sa mga commercial sponsor, malaki ang pagpapahalaga ng ating koponan sa anumang karagdagang pondo, lao na kung ito ay iaambag ng fans.
“Five years ago, international football observers would have trouble believing that the Azkals would be the top footballing nation in the region; now the Philippines is the top-ranked country in Southeast Asia. So participating in the World Cup is not impossible if all Filipinos pitch in, especially the fans,” ayon naman sa coach ng Azkals na si Dooley.