MATITINDI ang mga bakbakan at eksenang napanood namin sa celebrity premiere night ng Gangnam Blues na pinagbibidahan ng Korean superstar na si Lee Min Ho.
Ang Gangnam Blues ang kauna-unahang Tagalized film na tampok sa SineAsia, ang espesyal na proyekto ng Viva Entertainment Inc., at SM Lifestyle Entertainment Inc., para mabigyan ng pagkakataon ang Pinoy viewers na mas maintindihan at kagiliwan ang mga pelikulang gawa sa iba’t ibang parte ng Asya.
Napag-alaman naming ginawan ng matinding research ng crew para makahanap sila ng perpektong lugar para sa eksenang sagupaan ng grupo nina Lee Min Ho (Jong-dae) at Yong-gi (Kim Rae Won). Ito ay ang labanan nila sa putikan na nagpapakita kung gaano kadesperado ang dalawa para manalo at makuha ang kanya-kanyang interes.
Sa Gangnam Blues, hindi lang pinatunayan ni Lee Min Ho na guwapo lamang siya, kundi mayroon ding ibubuga sa pag-arte gayundin sa action. Ang pelikulang ito’y nanguna sa takilya sa Korea noong Enero na idinirehe ng star maker na si Yoo Hana siya ring nagdirehe ng huling yugto ng Street Trilogy. Si Yoo Ha rin ang nagdirehe ng Spirit of Jeet Keun Do na napanood noong 2004 na sinundan ng A Dirty Carnival noong 2006.
Tulad ng Spirit of Jeet Keun Do at A Dirty Carnival, puno rin ng mahihirap ng stunts ang Gangnam Blues kaya naman maraming mahihirap na stunts ang ginawa rito ang heartthrob na unang nagpakilig sa Boys Over Flowers. Hindi raw nagpa-double si Lee Min Ho sa mga matitinding stunt sa movie kaya naman hindi naiwasang masugatan ang actor na kinailangang bigyan siya ng morphine shots para matapos ang eksena.
Kinailangan din daw magbawas ng timbang (15 kg) ni Yong-gi para magampanan ang papel niya sa Gangnam Blues.
Ginagampanan ni Lee Min Ho ang papel ni Ragmen Jong dae, isang ulila na lumaki sa kahirapan kasama si Yong-gi (Rae-Won ng hit Koreanovela Love Story in Harvard), isang kaibigan na para na ring kapatid. Nang mawalan sila ng tirahan dahil sa development project sa kanilang lugar ni-recruit sila ng isang local gang para isabotahe ang isang politicaly rally. Ngunit sa gitna ng kaguluhan, nagkahiwalay ang magkaibigan. Nagdaan ang panahon at nakipagsabwatn si Jong-dae sa isang babae para mamili ng maraming lupain sa Gangnam bago pa maging fully developed ang lugar. Nang mabalitaan ng isang gang ang kanilang pakay, nagkaroon ng mabigay na kalaban si Jong dae, walang iba kundi ang nawawala niyang kaibigan.
Tiyak na mae-enjoy ng mga Pinoy ang pelikulang ito lalo’t isinalin sa Tagalog. Maganda rin ang pagkakagamit sa awiting Anak ni Freddie Aguilar sa pelikula.
Palabas na sa walong SM branches—Megamall, Sta. Mesa, Fairview, Manila, North Edsa, Bacoor, Iloilo, at Cebu ang Gangnam Blues kaya watch na po kayo.
ni Maricris Valdez Nicasio