Sahiron ng ASG sugatan sa sagupaan (25 tauhan patay)
hataw tabloid
March 2, 2015
News
KABILANG si Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron sa napaulat na nasugatan sa sagupaan ng mga tropa ng Philippine Army Scout Ranger at mga bandidong grupo.
Ayon sa report ng militar sa Sulu, dahil sa matinding labanan nitong Biyernes sa Patikul, Sulu, sugatan si Sahiron.
Ngunit vina-validate pa ng Western Mindanao Command ang nasabing report.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, sa labanan ng militar sa Sulu nitong Biyernes, 25 miyembro ng ASG ang patay habang 27 ang sugatan.
At sa panig ng militar, dalawang sundalo ang namatay habang nasa 24 ang sugatan na kasalukuyang ginagamot sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, batay sa kanilang nakukuhang report mula sa mga residente ng Patikul, ‘on the run’ na ang bandidong grupo dahil nauubusan na sila ng bala.
Kondisyon ni Sahiron ipinabeberipika ng palasyo
IPINABEBERIPIKA ng Palasyo sa Department of National Defense (DND) ang ulat na nasugatan sa nagaganap na military operations sa Sulu si Abu Sayyaf Group leader Rddulan Sahiron.
“Natunghayan din namin ‘yan sa pahayagan at kasalukuyang sumasailalim sa beripikasyon ang impormasyon na ‘yan,” reaksiyon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. hinggil sa ulat na isa si Sahiron sa mga nasugatan sa halos isang linggong bakbakan ng tropa ng pamahalaan at mga kasapi ng ASG.
Si Sahiron ay isa sa nakatala sa most wanted terrorist list ng Federal Bureau of Investigation na may $1 milyong patong sa ulo.
Samantala, inihayag ni Coloma na umabot na sa 2,090 pamilya o 10,450 katao mula sa pitong barangay sa Datu Salibo, Maguindanao ang kasalukuyang nasa anim na evacuation centers makaraan lumikas sa kani-kanilang tahanan bunsod ng bakbakan ng military at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sinabi ni Coloma, naglaan na ang DSWD ng P4,850,000 para sa pagkain at iba pang serbisyo at may nakaabang ding additional provisions sa disaster response operations monitoring and information center ng DSWD at DSWD Field Office 12.
Rose Novenario