Monday , December 23 2024

Kondisyon ni Jolo serious but stable – Atty. Fortun (Pasulong na bala ‘di umano napansin)

joloSERIOUS but stable, ito ang kondisyon sa kasalukuyan ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla makaraan tamaan ng bala ng baril sa dibdib nitong Sabado.

“Serious po (ang kondisyon) kasi siyempre po ‘pag nabaril po kayo, hindi naman ho pupuwede itong ibalewala. … Meron po siyang mga internal injuries pero nakausap ko siya, nakita kong lucid siya, coherent, nakakausap, nakakasagot naman sa mga tanong,” pagbahagi ni Atty. Raymond Fortun, tagapagsalita ng Pamilya Revilla.

Nasa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital si Revilla at sa pagkakaalam ni Fortun, nakatakda itong sumailalim sa isang minor surgery para linisin ang tinamaang bahagi ng katawan at makaiwas na rin sa impeksyon.

Tumanggi muna si Fortun na sabihing ‘out of danger’ na ang opisyal. Hintayin na lamang aniya ang assessment ng doktor.

Salaysay ni Fortun, batay sa pagkausap niya kay Jolo, 9 a.m. nitong Sabado nang dumating siya sa bahay ng kanyang ama at hinihintay ang inang si Rep. Lani Marcado-Revilla para tumulak sa isang lakad.

“Habang naghihintay naisipan niyang linisin ang kanyang government issued na firearm. Ito po’y isang glock .40 na handgun. Nagkamali po talaga siya, hindi niya namalayan habang nililinis niya, nakalabit niya ata yung trigger.

“Sa akin pong pagkakaintindi, hindi yata nasilip na mayro’ng isang bullet na nandu’n pala sa chamber.”

Pumasok aniya sa kanang dibdib ng batang Revilla ang bala at lumabas din sa likuran nito.

Naniniwala si Fortun na “hindi ho ito parang napaka-unusual or extraordinary. It really happens na mayroong ganitong klaseng sakuna at hindi naman talaga ito sinasadya.”

Sa obserbasyon ni Fortun, hindi naman niya napansing naging malungkot o depressed ang bise gobernador.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Lolit Solis, talent manager ni Lani Marcado, na dumadanas ng depression ang batang Revilla dahil sa sinapit ng amang nakadetine sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.

“Nakausap ko mismo din naman si Jolo kagabi, wala naman siya pong binabanggit sa akin na siya ay depressed nu’ng nangyari ‘yun at nakausap ko rin naman ‘yung kanyang nanay at ganun din naman po ang sinasabi sa’kin,” ani Fortun.

Batid aniyang malapit si Jolo sa kanyang ama at posibleng apektado ito sa akusasyon laban sa amang senador pero usaping legal at politika ito na inaaksyonan na ng panig ng Revilla.

“There is no immeditate threat para ang isang tao ay bumagsak sa depresyon at gumawa ng isang bagay para ikasakit ng kanyang katawan.

“Wala po talagang basis po para mag-isip ang tao na ito ay self-inflicted wound or ginawa niya nang intentional.”

Dagdag pa ni Fortun: “the only thing that he (J. Revilla) told me is that, ‘ ito Attorney nagkamali ako’.”

“Kinuwento sa’kin ng nanay niya na ang kwento sa kanya is talagang naglilinis at nabaril niya ‘yung sarili niya. So I put that as a confirmation that indeed it was an accidental discharge tapos natamaan niya yung sarili niya.”

Jaja Garcia

Jolo inalisan ng ½ litro ng dugo sa baga

IBINALIK na sa intensive care unit ng (ICU) ng Asian Hospital and Medical Center si Cavite Vice Governor Jolo Revilla makaraan sumailalim sa operasyon kahapon.

Ayon kay Atty. Joel Bodegon, tumagal nang mahigit dalawang oras ang minor surgery sa actor/politician at kalahating litro ng dugo ang inalis sa kanyang baga.

“Doctors removed half a liter of blood from his lungs,” saad ng abogado.

Pansamantala ring ipinagbawal ang ibang mga bisita dahil sa maselang kondisyon ng 26-anyos vice governor bagama’t stable na.

Accidental firing iniimbestigahan

Sinimulan na ng mga pulis ang imbestigasyon hinggil sa aksidenteng pagkakabaril ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa sarili sa kanilang bahay sa Ayala Alabang, Muntinlupa City.

Ayon kay Muntinlupa PNP Chief Allan Nobleza, nagtungo na sila sa bahay ng vice governor na sa ngayo’y nasa intensive care unit (ICU) pa rin ng Asian Hospital.

Katuwang aniya ng Muntinlupa Police ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP Crime Laboratory sa kanilang joint investigation ukol sa insidente.

Ngunit tumanggi si Nobleza na idetalye ang kanilang paghimay sa kung tunay nga bang aksidente ang sinapit ni Revilla o isa itong tangkang pagpapakamatay.

Tikom rin ang Muntinlupa Police chief kung nakausap na nila si Revilla o ang iba pang kaanak at kung nasa pangangalaga na ng mga awtoridad ang baril.

Sinabi ni Nobleza na si Carmelo Valmoria, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang awtorisadong maglabas ng pahayag ukol sa pangyayari.

Ngunit minabuti ni Valmoria na huwag munang magbigay ng karagdagang impormasyon hanggang hindi pa natatapos ang kanilang imbestigasyon.

Una nang iginiit ng kampo ni Revilla na walang basehan ang alegasyong sinadya ng vice governor na saktan ang sarili kasunod ng pahayag ni Lolit Solis na dumaranas ang bise gobernador ng depresyon dahil sa pagkakakulong ng amang si Sen. Bong Revilla kaugnay ng mga kasong kinakaharap ukol sa pork barrel scam.

Sen. Bong nais bisitahin si Jolo

HIHILINGIN ng kampo ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Sandiganbayan na payagan siyang dalawin ang anak nasi Cavite Vice Governor Jolo Revilla makaraan aksidenteng mabaril ang sarili nitong Sabado ng umaga habang nililinis ang baril sa kanilang tahanan sa Ayala Alabang.

Ayon kay Atty. Ramon Esquerra, abogado ni Revilla, inihahanda na nila ang legal na hakbang upang pormal na payagang bumisita ang senador sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City kung saan naka-confine ang bise gobernador.

“I believe it is most likely that we will ask the Court to permit him to visit his son at the hospital. I have no details about the incident but I am sure the matter will be duly investigated,” ani Esguerra.

Sa kasalukuyan ay nakadetine ang senador sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame dahil sa pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam. 

Niño Aclan

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *