Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang paglipat ng 91-anyos na detenidong senador na si Juan Ponce Enrile mula sa Philippine National Police (PNP) General Hospital tungo sa Makati Medical Center kamakalawa ng madaling araw dahil sa pneumonia.
“Hangad namin ang kanyang agarang paggaling,” ani Roxas. “Since Tuesday, mayroon siyang high grade fever, 39 degrees. Celsius, kaya inilipat siya kaagad dahil umuubo ng dugo.”
Nagsagawa naman si Roxas ng isang press conference upang ihayag ang pagkakasuspinde ng mga guwardiya ng mga senador sa custodial center matapos mapatunayang ipinagsawalang bahala nila ang mga batas at regulasyon sa pagkakakulong.
“Pinaimbestigahan ko itong pangyayari kung saan ang mga detained dito sa PNP ay nakakadalo sa isang salu-salo [at] nakita sa ating pag-iimbestiga na may mga hindi pagsunod sa mga patakaran ng PNP,” diin ni Roxas.
Naunang ibinalita ni Roxas ang pagkasuspinde ng tumatayong direktor ng Headquarters Support Service na si Police Chief Superintendent Alberto Supapo sa kanyang posisyon at pansamantala siyang papalitan ni Senior Superintendent Elmer Beltejar bilang Officer-in-Charge (OIC).