DAGUPAN CITY – Labis ang pasasalamat ng 18-anyos dalagita na hindi natuloy ang panghahalay sa kanya ng sariling ama sa bayan ng Bayambang, sa lalawigan ng Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Ayon sa impormasyon, dakong 10 p.m. nang maalimpungatan ang ina nang mapansing wala na sa tabi niya ang kanyang asawa.
Nang imulat ang kanyang mata, nakitang nakakubabaw na ang mister sa kanilang anak na dalagita na nakahiga malapit lamang sa kanilang higaan dahilan upang sugurin niya ang asawa.
Sinampal at tinadyakan ng ginang ang mister dahilan upang magising ang kanilang anak na natutulog.
Napag-alaman, nakababa na ang pang-ibabang kasuotan ng biktima.
Kinaumagahan ay nagtungo agad sa himpilan ng pulisya ang mag-ina upang ireklamo ang padre de pamilya na agad naaresto.