DUMALO si Sen. Jinggoy Estrada sa birthday celebration ni Sen. Juan Ponce Enrile sa Philippine National Police (PNP) General Hospital noong Pebrero 14.
Kinompirma ito ng anak ng 91-anyos senador na si dating Congressman Jack Enrile sabay banggit na hindi niya nakita si Sen. Bong Revilla.
“I was there and I saw Sen. Jinggoy. I did not see Sen. Bong. I will say that much. I was one of the first ones to arrive and I was one of the last ones to leave. Noong umalis ako… hindi ko nakita si Sen. Bong,” kwento ng nakababatang Enrile.
Hindi aniya nagtagal si Estrada sa okasyon. “Just a few minutes. I think nagpa-checkup lang siya and he came over to greet the old man. Nagpa-check lang yata siya ng BP… He was a little busy so he did not stay that long.”
Pawang nakakulong sa Camp Crame ang tatlong senador dahil sa mga kaso kaugnay ng multi-bilyong pork barrel scam. Ngunit magkasama sina Estrada at Revilla sa PNP Custodial Center habang nasa PNP General Hospital si Enrile.
Una nang naging kontrobersyal ang sinasabing pagtakas ni Revilla sa piitan para dumalo sa kaarawan ni Enrile, at humantong ang isyu sa pagkasibak ng hepe ng PNP-Headquarters Supports Services (HSS).