KINOMPIRMA ng Bulacan police, kabilang ang tatlong suspek sa naganap na masaker sa bayan ng Agoo, La Union, sa 70 katao na kanilang naaresto sa police operation sa Brgy. Lumang Bayan sakop ng City of San Jose del Monte kamakalawa ng umaga.
Kabilang sa mga naaresto sa kampanya ng pulisya na “Oplan Lambat-Sibat” si Eduardo Gayo, 65, ang dalawa niyang anak na sina Demetrio Gayo, 42, at Noel Gayo, pawang mga residente ng Brgy. San Nicolas East Agoo, La Union, habang ang isa pang suspek na kinilalang si Osar ay patuloy na tinutugis ng pulisya.
Ang nabanggit na mga suspek ang responsable sa pagpatay sa limang miyembro ng pamilya at ikinasugat ng tatlo pa sa insidenteng naganap sa Brgy. Capas, La Union noong Pebrero 24, 2015.
Sa ulat na tinanggap ni Bulacan Police Director, Sr. Supt. Ferdinand Divina, pinagbabaril, pinagtataga at pinagsasaksak ng mga suspek ang mga biktimang sina Gil Cabilitazan, Zosimo Fontanilla, Gilberto Cecilio, at ang mag-amang Reynaldo Refuerzo, at Mary Anne Refuerzo, 3 anyos.
Habang malubhang nasugatan sa insidente sina Rodel Refuerzo, Gilmar Cabilitazan, at Benjie Tabunia.
Kasalukuyang inaalam ng pulisya ang personal status ng iba pa sa mga inaresto kung sila ay may pending case sa iba’t ibang mga korte sa Region 3. (DAISY MEDINA)