ni James Ty III
DETERMINADO ang Kapamilya actor na si Xian Lim na maglaro ng basketball sa PBA D League na ang susunod nitong torneo ay magsisimula sa March 12.
Kinompirma ng isang bagong kompanya ng cellphone ang plano nitong kunin si Xian bilang player para sumali sa liga dahil siya’y endorser din ng nasabing cellphone.
Katunayan, naka-usap na si Xian ng a management ng cellphone company at sinabing sang-ayon ang aktor sa kanyang paglalaro sa D League na isang amateur na liga.
Nagtanong pa si Xian kung kailan ang simula ng ensayo ng koponan, patunay na excited talaga siya na magpakitang-gilas sa court.
Marami ang hindi nakaaalam na si Xian ay anak ng isang dating player ng University of the East. Katunayan, naglaro siya sa Team B ng UE sa UAAP bago siya pumasok sa showbiz.
Ilang beses na naglaro si Xian sa mga basketball tournaments kasama ang ilang mga kapwa Kapamilya tulad nina Daniel Padilla at Gerald Anderson.
Dapat ay naglaro rin sina Daniel at Gerald sa D League ngunit pareho nila itong inayawan dahil sa kanilang pagiging artista.
Sa ngayon ay naglalaro sa D League ang isa pang aktor na si Ervic Vijandre.
Dati ring naglaro sa PBL si Derek Ramsay noong hindi pa siya sikat.
Tingnan natin kung kaya ni Xian na humatak ng fans para panoorin ang mga laro niya sa D League na libre talaga ang pasok ng mga tao ‘di tulad ng PBA.