SUMANG-AYON kami sa kapatid na Jobert Sucaldito nang ihayag nitong mas bagay na bansag sa magaling na singer na si Michael Pangilinan ang Pare ng Bayan. Okey din naman ang Kilabot ng Kolehiyala pero mas akma kay Michael ang Pare ng Bayan na nagsimulang mas makilala dahil sa awitin niyang Pare, Mahal Mo Raw Ako.
At dahil sa awiting ito na isinali sa Himig Handog P-Pop Love Songs, lalong napamahal si Michael sa publiko. Lalo siyang kinalugdan, patunay dito ang matagumpay niyang show last Valentine sa Teatrino (Promenade, Greenhills) gayundin ang show nila sa Bacolod kasama sina Marion Aunor at Ate Gay, ang The King Deserves the Best.
Pagkaraan ng Bacolod, nasundan naman ito ng Luklukan Festival 2015 sa Balibago City, Sta. Rosa, Laguna kasama sina Myrtle Sarroza, at Atak.
At tila maganda ang 2015 kay Michael dahil kasama siya sa stage musical na Kanser para sa 35th year celebration ng Gantimpala Theater. Gagampanan niya ang papel na Crisostomo Ibarra. Sa June naman ay lilipad siya sa US para sa series of concerts kasama si Marion.
Patuloy pa ring napapanood si Michal sa Walang Tulugan ni Kuya German Moreno sa GMA 7, Kris TV ng ABS-CBN, at MOR 101.9 bilang co-host ni DJ ChaCha tuwing Martes.
Huh, punumpuno ang schedule ni Michael ha, congrats iho.
ni Maricris Valdez Nicasio