MALAPIT nang matapos ang shooting ng international film na pinagbibidahan ng Hollywood Filipina actress/recording artist na si Ms. Lourdes Duque Baron. Pinamagatang Butanding, ito’y mula sa pamamahala ni Direk Ed Palmos. Kasama rin sa cast sina Lara Quigaman, Rey ‘PJ’ Abellana, Tessie Lagman, Norris John, Nash Marcos, Dhenz, at Miles Manzano.
Mula sa Amerika, dumating sa Pinas si Ms. Lourdes para sa shooting ng nasabing pelikula na ginawa sa bayan ng Iba, Zambales.
Ayon nga sa kasamahan sa panulat na si Charlie Lozo, ganado sa paggawa ng pelikula si Direk Ed at mas pinaganda raw nito ang Butanding kaysa huling movie nito na Ay Ayeng na pinagbidahan noon ni Heart Evangelista. Ang nasabing pelikula ay humakot ng awards at itinanghal na Best Director sa FAMAS si Direk Ed.
Sa shooting ng Butanding, pinabilib ni Direk Ed si Ms. Lourdes at ang mag-asawang Hollywood director/writer na sina Mr. and Mrs. Bayou na pumunta pa sa Pilipinas para i-document at i-feature ang shooting ni Direk Ed. Ito raw ang unang pagkaka-taon na ang isang Filipino movie director ay idinokomento at in-interview ng Hollywood director upang ipalabas sa Hollywood. May kurot sa puso ang naturang pelikula na tumatalakay sa pamilya at sa world famous Butanding, na sa Pilipinas lamang natatagpuan. Sabi nga nina ‘PJ’ at Lara, hindi na sila nagdalawang-isip na tanggapin ang project nang nabasa nila ang script nito.
Si Ms. Lourdes naman ay nagpahayag ng sobrang kagalakan sa first film niya rito sa Pilipinas at sa galing ng kanilang direktor.
Nakatakdang magkaroon ng premier this year ang nasabing pelikula sa iba’t ibang parte ng mundo gaya sa USA, Hollywood at Honolulu, Hawaii. Pati sa Japan, at iba pang bansa.
ni Nonie V. Nicasio