KABILANG si Gloc-9 sa nakakuha ng maraming nominasyon sa MYX Music Awards 2015 na gaganapin sa Samsung Hall ng SM Aura Premiere sa March 25. Kasama niyang nakakuha ng tig-lima o tig-apat na nominas-yon dito sina Sarah Geronimo, Daniel Padilla, Julie Anne San Jose, James Reid, at Toni Gonzaga.
Nagpasalamat ang multi awarded rapper sa MYX sa pagsuporta sa mga artist na tulad niya. “Lagi kong sinasabi na I’m very-very thankful sa MYX sa pag-recognize sa mga trabaho namin. Sana’y huwag silang magsasawa sa pagsuporta sa amin,” pahayag ni Gloc-9 na ang tunay na pa-ngalan ay Aristotle Pollisco.
Ano’ng masasabi mo na lagi kang humahakot ng awards?
“Sobra-sobrang bait lang po talaga sa akin ng nasa Itaas at ng mga tao, dahil sa tiwala nila sa trabaho namin. And ang masasabi ko lang po ay sobra po akong nanliliit sa pagpapasalamat sa tiwalang ito and sana po ay masuklian ko ito ng mas mga bago pang trabaho in the future.”
Masasabi mo ba na ibang level ka na talaga, kasi si Daniel Padilla na ang katapat mo sa award? First time ba ito?
“Sa totoo lang hindi ko po matandaan. Pero lagi ko pong sinasabi kung mayroon man po talagang gusto ‘yung mga taong iboto, e, ako po ay all for that and wala po akong kompetisyon na nasa isip.”
Magkalaban sina Gloc-9 at Daniel sa kategoryang Favo-rite Artist. Ang iba pang nominees dito ay sina Julie Anne San Jose, Sarah Geronimo, at Yeng Constantino. Kasama rin sa nominees para sa Favorite Male Artist naman sina DJ at Gloc-9. Ang iba pang kapwa nila nomi-nado rito ay sina Abra, James Reid, at Jay R.
Sa tingin mo ba, sa estado mo ngayon ay malapit mo nang mapantayan si Francis M? “Never ko po yatang iisipin na ganoon, dahil wala pong magiging pa-ngalawang Francis M. Dahil nag-iisa lang ang Francis M. at lagi ko pong sinasabi na ako po’y tagahanga lamang ng rap music at ng musika and ako po’y mananatiling tagahanga lamang,” sagot sa amin ni Gloc-9.
Nabanggit pa ni Gloc-9 na hindi niya papangarapin kahit kailan na maka-level ang idolong Master Rapper, dahil para sa kanya, mananatili siyang alalay lamang ng kanyang idolo. “Mayroon po akong kantang isinulat na Alalay ng Hari, dahil ako po’y mananatiling alalay lamang (ni Francis M).”
ni Nonie V. Nicasio