Enrile isinugod sa Makati Med (Umuubong may kasamang dugo)
hataw tabloid
February 27, 2015
News
INILIPAT si Senador Juan Ponce Enrile sa Makati Medical Center dakong 3 a.m. kahapon.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief Generoso Cerbo, batay na rin sa impormasyon mula sa PNP Health Services, kinailangang ilipat ng ospital ang mambabatas mula sa PNP General Hospital dahil sa pneumonia.
Binanggit ni Cerbo, may standing resolution ang Sandiganbayan na kung emergency cases, maaaring ilipat ang akusado sa ibang ospital.
Sa isang press conference, kinompirma rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang pagdadala kay Enrile sa Makati Medical Center.
Sa nakalipas na mga araw, mataas aniya ang lagnat ng senador at umuubong may dugo.
Magugunitang Setyembre nang pagbigyan ng Sandiganbayan Third Division ang hirit na hospital arrest kay Enrile sa PNP General Hospital sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Nahaharap ang senador sa mga kasong plunder at graft dahil sa multi-bilyong pork barrel scam.
Jaja Garcia
House arrest deadma sa Palasyo
DEADMA ang Palasyo sa hirit na house arrest para kay Sen. Juan Ponce-Enrile dahil wala sa kanilang kapangyarihan ang pagpapasya sa kahilingan.
“Ang pagkakaloob ng ganyang estado ay nasa pagpapasya ng hukuman. At reresponde ang panig ng pamahalaan kapag nagkaroon ng kaukulang kahilingan,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Kahapon ay isinugod sa Makati Medical Center mula sa PNP General Hospital si Enrile dahil sa pneumonia .
Si Enrile, 91, ay nasa hospital arrest mula pa noong nakaraang taon bunsod ng kasong plunder kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
Rose Novenario