Roxas: Benepisyo para sa SAF 44, buo at mabilis
hataw tabloid
February 26, 2015
News
TINIYAK ngayon ni Interior Secretary Mar Roxas na agarang makukuha ang lahat ng benepisyong nakalaan para sa mga biyuda at naulilang anak ng 44 Special Action Force (SAF) commandos na nag-alay ng buhay sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25.
Ayon kay Roxas, naibigay na sa mga naulila ng SAF44 ang tulong (Special Assistance Fund) galing sa gobyerno at paunang benepisyo na nagkakahalaga mula P400,000 hanggang P700,000 bawat isang bayani.
Kabilang sa halagang naipamahagi ang P250, 000 na Special Assistance Fund na personal na ibinigay ng Pangulong Aquino nang makipagpulong sa mga naulila ng SAF44 kamakailan lamang.
Kasalukuyan na rin inaasikaso ng PNP ang pagproseso sa mga papeles na kailangan para maipalabas ang natitira pang benepisyo ng SAF44 na hindi bababa sa P300,000 at aabot nang mahigit P900,000 bawat isang bayani.
Bukod dito, nakalaan din tumanggap ang pamilya ng SAF44 ng buwanang pensiyon mula sa PNP at National Police Commission (Napolcom).
Sinigurado rin ni Roxas na may nakalaan nang pondo sa PNP para sa scholarship fund ng mga naulilang anak ng SAF commandos.
“Tiniyak namin na handa na ang mga scholarship certificate sakaling dumating na sa edad ang mga anak ng SAF para mag-aral,” anang Kalihim ng DILG.
Para mapabilis ang pagpapalabas ng naturang mga pondo, sinabi ni Roxas na nagtalaga ang PNP ng mga tauhan na siyang magtitiyak na agarang makararating ang mga benepisyong laan sa pamilya ng tinaguriang SAF44.
Wala umanong ibang gagawin ang mga tauhan ng PNP kundi siguruhin na kompleto ang mga papeles na kailangan para maipalabas ang mga benepisyo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Partikular na pagtutuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga pamilya na nakatira sa labas ng Kamaynilaan, lalo na iyong nasa malalayong lugar ng bansa.
“Hindi na nila kailangan magpabalik-balik sa Maynila para i-follow up ang mga papeles na kailangan. Trabaho ng PNP na siguruhing walang dahilan para matigil ang pagproseso sa kanilang papeles,” ani Roxas.
Ayon kay Roxas, nagbuo rin ang pamahalaan ng “one-stop-shop” para matiyak na lahat ng responsableng ahensiya ay magtatrabaho nang mabilis para maipalabas na ang mga benepisyong laan sa SAF44 sa lalong madaling panahon.
Pinuri ni Sen. Grace Poe, chairman ng Senate committee on public order and security, ang aksyon na ito ni Roxas dahil responsibilidad umano ng pamahalaan na siguruhing napapangalagaan ang kapakanan ng pamilya ng SAF 44.
“Thank you. We are assured and we commend you also for following up on this,” sabi ni Sen. Poe kay Roxas sa huling hearing ng Senado tungkol sa insidente sa Mamasapano.
“We’ve seen how you are very hands on with the families and the President also made an effort on this,” dagdag ng senadora.