Mamasapano Truth Commission lusot sa Senado
hataw tabloid
February 26, 2015
News
APRUB na sa committee level ng Senado ang panukalang pagbuo ng Truth Commission na tututok sa Mamasapano incident noong Enero 25.
Sinimulan nitong Miyerkoles ng Senate Committee on Peace, Unification and Reconciliation ni Senator TG Guingona ang pagdinig sa usapin, isang buwan makaraan ang bakbakan na kumitil sa buhay ng 44 SAF commandos.
Ipinanukala ni Guingona ang pagbuo ng Truth Commission sa gitna ng mga panawagan ng ilang grupo para sa isang independent body na sisiyasat sa nangyari tulad ng CBCP, Association of Major Religious Superiors in the Philippines, MILF chief negotiator Mohagher Iqbal, at AFP Chief General Gregorio Pio Catapang.
Sa Senate hearing, karamihan sa mga inimbitahang taga-academe at think tanks ang pabor sa panukala ngunit may kanya-kanya silang rekomendasyon sa sasaklawin ng imbestigasyon at sa kung sino ang gagawa nito.
Sinabi ni Atty. Merlin Magallona ng UP Law, maigi ang Truth Commission ngunit hindi ito dapat na maging one-sided.
Bukod sa pagkamatay ng SAF commandos, dapat din aniyang isama ang imbestigasyon ng MILF at BIFF. Mangangailangan aniya ito ng on-site investigation na posibleng maging security problem.
Dagdag ni Magallona, hindi dapat ang Pangulo ang pipili ng mga bubuo sa Truth Commission kundi irerekomenda ito ng Board of Governors ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at ang mga commissioner ay irerekomenda ng Commission on Human Rights at ng Senate Committee on Justice and Human Rights.
BOI bahala kay Purisima — Palasyo (Sa panlilinlang kay PNoy)
BAHALA na ang Board of Inquiry at Senado kung parurusahan si resigned PNP chief, Director General Alan Purisima sa si nasabing panlilinlang kay Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa Mamasapano operation noong Enero 25.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., nakasalalay sa resulta at rekomendasyon ng Board of inquiry at imbestigasyon sa Senado kung sino ang dapat panagutin sa madugong operasyon na nagresulta sa pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP- Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Ang pahayag ni Coloma ay makaraan lumabas sa imbestigasyon ng Senado na maling mga impormasyon ang tinanggap ng Pangulo mula sa kanyang kaibigan at dating PNP chief, sa inilunsad na SAF operations na naging dahilan sa pagkamatay ng SAF 44.
Giit ni Coloma, ang accountability ay madedetermina sa findings ng imbestigasyon kaya’t ito ang hihintayin ng Pangulo at ng publiko.
Matatandaan. inihayag ng Palasyo na walang sasantuhin at walang magaganap na whitewash kung sino ang dapat na managot sa madugong Mamasapano incident batay sa magiging kalalabasan ng imbestigasyon.
Iginiit ng kalihim, mayroong proseso kaya’t ito ang susundin ni Pangulong Aquino sa pagpapanagot sa mga nagpabaya o nagkulang sa maselang police operations sa Mamasapano.
Rose Novenario