Mabuti pa si Sec. Mar, nagpakalalaki, e ang erpat ni Bb. Nancy?
hataw tabloid
February 26, 2015
Opinion
IBANG-IBA ang naging dating sa sambayanan sa daloy ng pagtatanong ni Sen. Nancy Binay sa karibal ng kanyang ama sa halalang pampanguluhan sa 2016 na si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas kaugnay ng pangyayari sa Mamasapano, Maguindanao. Parang pinalabas ng bagitong senadora na nakaligtaan ni Roxas ang papel sa pagdinig kaya waring kinastigo pa ang kalihim: “You are under oath so please kindly tell the truth.”
Nalimutan ni Binay na naging senador din si Roxas bago tinalo ng kanyang ama sa “magic” PCOS machines ng Comelec kaya madiin ang naging sagot ng DILG secretary: . “I did not in anything commit what you are implying in your statement.” Lihim sigurong napaaray si Bb. Binay, biglang naalala ang minsang sinabi ng kanyang kapatid nang mang-abuso ng mga guwardiya sa isang subdivision sa itinuturing nilang kaharian ng Makati.
Marahil, ang feeling ni Bb. Binay ngayong isa na siyang senadora at “attack dog” ng kanyang amang si Bise Presidente Jejomar Binay ay angat na angat siya kay Roxas. Sa sarili ni Bb. Binay bilang pagtulad sa halimbawa ng kanyang kapatid na kasalukuyang hari ng Makati: “Hindi mo ba ako kilala, isa akong senadora!”
Mabuti na lamang at mapagpakumbaba pero lalaking-lalaki kung dumiskarte si Roxas sa kanyang mga sagot: “Laging katotohanan lamang ang sinasabi ko at masasabi lang namin sa Pangulo kung ano lang ang nalalaman namin.”
Masakit mang pakinggan, nagmistulang isang “bangaw” si Bb. Binay na matapos lumipad at dumapo sa sungay ng isang kalabaw, inisip na mas malaki siya sa pobreng dinapuan. Bastos siya kung magtanong at masyadong nagmamarunong gayong alam naman ng lahat na kung hindi sa “magic PCOS” ay hindi siya magiging senadora kundi mananatiling isang kasambahay sa paningin ng mamamayan.
Sa ganitong pananaw, mas gusto ko ang inasal ni Roxas na nagpakalalaki nang humarap sa pagdinig ng Senado. Hindi tulad ng ipinagmamalaki ni Bb. Binay na amang kahit isang abogado ay urong ang bayag sa pagdinig ng Senado hinggil sa overpriced na Makati City Hall Bldg., Hacienda Binay sa Batangas, at kung ano-ano pang paratang na may kaugnayan sa pandarambong sa bayan.