MULING kinilala ang ABS-CBN sa prestihiyosong New York Festivals World’s Best TV and Films para sa taong ito nang tanghaling finalists ang apat na entries sa iba’t ibang kategorya.
Pinangalanang finalist ang Yolanda (Haiyan) para sa Cinematography category ng festival, habang finalist naman ang Spratlys: Mga Isla ng Kalayaan, ang dokumentaryo niChiara Zambrano ukol sa epekto sa mga Filipinong naiipit sa gitna ng hindi matapos-tapos na away sa naturang teritoryo sa National/International Affairs category.
Pasok din sa shortlist ng festival ang Wrath of Haiyan, ang coverage ng bagyong Yolanda ng pang-umagang news magazine program na Umagang Kay Ganda sa Best Coverage of Breaking News Category, pati na ang kampanya ng ABS-CBN na Compassion and Empathy for our Fellow Man sa News Promotion category.
Noong nakaraang taon, nagwagi ang ABS-CBN ng silver world medal sa Graphic Design: Promotion/Open & ID category para sa Agosto Beinte-Uno, ang dokumentaryo nito tungkol sa pagpatay kay Ninoy Aquino.
Nakakuha rin ng bronze medal sa Current Affairs category ang Failon Ngayon na pinangungunahan ni Ted Failon para sa Tagas ng Minahan, na binusisi ang panganib na dala ng pagtagas ng mine tailings.
Ang New York Festival’s World’s Best Television & Films ay nagbibigay pugay sa mga programa, ano man ang haba o uri nito, mula sa mahigit 50 iba’t ibang bansa. Ang lahat ng finalists ay gagawaran ng finalists certificates at lahat ito ay may pagkakataong maiangat at magawaran ng Gold, Silver, o Bronze na medalya. Kilalanin ang magwawagi sa gabi ng parangal na gaganapin sa Abril sa Las Vegas.
ni Maricris Valdez Nicasio