IDINIIN ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) na kailangan ng Filipinas ang isang lider na may kakayahang disiplinahin ang pulisya at militar at hindi kailanman nasangkot sa pagnanakaw.
Ayon sa grupong nanawagan din sa sambayanan, sundin ang kahilingan ni Pope Francis na iwaksi ang mga lider na nasangkot sa pangungurakot at pagnanakaw, panahon na upang magkaroon tayo ng lider na tulad ng mga kongresistang hindi tumanggap at nakinabang sa pork barrel tulad ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Kailangan natin ang lider na may tapang na lulutas sa dalawang pangunahing problema ng ating bansa—korupsiyon ng mga nanunungkulan sa bayan at sobrang krimen o kawalan ng kapayaan at kaayusan,” Ani 4K vice president Ronald Mendoza. “Hangga’t hindi natin nailululuklok sa Malakanyang ang lider na lulutas sa dalawang mabigat na isyung ito, mahirap nating matamo ang minimithi nating kaunlaran.”
Ayon sa 4K, may ilang lider na tiyak na igagalang ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at iyon ang kailangan nating iluklok sa Malakanyang.
“Madali natin itong matutukoy kung mag-aanalisa tayong mabuti dahil ang kailangan talaga natin ay isang tunay na lider na irerespeto ng pulisya at militar at hindi kailanman nasangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan,” dagdag ni Mendoza.