Uploader ng video ng Mamasapano lumantad sa NBI
hataw tabloid
February 19, 2015
News
LUMANTAD na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nag-upload sa Internet ng video na nagpapakita sa malapitang pagbaril sa isang sugatang PNP Special Action Force (SAF) sa Mamamasapano, Maguindanao.
Dumating sa tanggapan ng NBI-Region 11 sa Davao City ang lalaking itinago sa pangalang “Yang-yang” dakong 9 a.m. kahapon.
Ayon kay NBI Cybercrime Division executive officer Victor Lorenzo, nabatid sa online investigation na si Yang-Yang ang orihinal na nag-upload ng Mamasapano video.
Makaraan aniyang i-scan ang social media, si Yang-yang ang natukoy na source ng video batay sa petsa ng pag-upload nito at ang natukoy na lugar ay Davao City.
Ngunit mariing itinanggi ni Yang-yang ang paratang. Giit niya, ini-download lang niya ang video mula sa isang facebook friend saka niya ini-upload sa kanyang account sa pamamagitan ng kanyang mobile phone.
Dahil dito, ikinokonsidera siya ng NBI na ikalawang uploader na posibleng maging susi sa testigo o sa pangunahing pinanggalingan ng video na sinasabing mula sa Kidapawan City.
Nangako si Yang-yang na makikipagtulungan sa NBI upang matunton ang unang nag-upload lalo’t personal niyang kakilala at alam ang kinaroroonan.
Tinanggal na ni Yang-yang ang video sa Internet at dine-activate na rin ang kanyang Facebook page nang umani ng batikos at banta mula sa mga netizen.
Humingi rin siya ng paumanhin sa pamilya ng mga namatay na SAF at iginiit na ibinahagi lamang niya ang video para mabatid ng publiko ang sinapit ng Fallen 44.
Nakatakda nang bumiyahe patungong Kidapawan City ang NBI upang kapanayamin ang sinasabing unang nag-upload ng video.
Binanggit ng NBI Cybercrime Division, mahaharap ang orihinal na nagpakalat ng video sa kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code o “Immoral doctrines, obscene publications and exhibitions and indecent shows.”