3 pasyenteng under observation negatibo sa MERS-Cov
hataw tabloid
February 18, 2015
News
NEGATIBO sa MERS coronavirus (MERS-Cov) ang tatlong kaso na mino-monitor ng Department of Health (DoH).
Ang tatlo ay nakasalamuha ng Filipina nurse galing ng Saudi Arabia na nagpositibo sa virus.
Ayon kay DoH spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, ang isa sa mga inobserbahan nilang pasyente ay may pneumonia at hindi MERS-CoV.
Ang isa pang pasyente na hindi naka-confine sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ay kailangan sumailalim sa pangalawang test.
Ngunit ayon kay Suy, sa unang test ay nag-negatibo na sa virus ang nasabing pasyente.
Ang isa pang inoobserbahan ay negatibo rin sa virus batay sa isinagawang tests.
Nilinaw ng DoH na sa ngayon, may isang kaso pa lamang ng MERS-Cov sa bansa at ito ay ang Filipina nurse.
Ngunit stable na aniya ngayon ang kalagayan ng nasabing nurse.
MERS-COV posibleng kumalat sa summer season
AMINADO ang Department of Health (DoH) na nangangamba silang dumami pa ang kaso ng Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV) lalo na ngayong papalapit na ang bakasyon ng mga estudyante, at Mahal na Araw.
Ayon kay DoH Acting Health Secretary Janette Garin, ngayong papalapit ang graduation ay aasahang maraming overseas Filipino workers (OFWs) na kaanak ng mga estudyante ang uuwi sa bansa.
Aasahan din ang pagdami ng mga bakasyonista at turista galing sa ibang bansa sa Holy week break.
Paliwanag ni Garin, bukod sa pagdami ng OFWs at turista na uuwi sa bansa ito rin ang season na tumataas ang MERS-CoV sa Middle East.
Maaari aniyang mahawaan ang OFWs na galing doon at mailipat pagdating sa bansa.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng DoH sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para mapigilan ang posibleng pagkalat ng nasabing sakit.
Nanawagan siya sa publiko na makipag-ugnayan sa mga pinakamalapit na health facilities sakaling makaranas ng sintomas ng virus.