KOMBINSIDO si Senador Bongbong Marcos na alam ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pagbali sa chain of command sa Mamasapano incident.
Ayon kay Marcos, naging maliwanag sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes na alam ni Aquino ang pagtatago ng operasyon kina DILG Sec. Roxas at PNP OIC Chief Leonardo Espina.
Enero 9 nang naganap ang naturang pulong nina Aquino, noo’y suspended PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Chief Getulio Napeñas sa Bahay Pa-ngarap ukol sa operasyon.
“Dahil tinanong ko kay Gen. Napeñas at saka kay Gen. Purisima at sabay silang nakipag-meeting kay Presidente, tinanong ko sa kanila: ‘nu’ng nandu’n ba kayo, hinahanap si Espina?’ e ang sabi naman nila, ‘hindi naman.’”
“Ibig sabihin, hindi niya hinanap si Espina, ibig sabihin e alam niya talaga na hindi sasama. Kaya ‘yung pagka-break ng chain of command e alam ng Presidente.”
Dagdag ni Marcos: “ibig sabihin alam niya, sang-ayon siya na hindi sabihin.”
Kabilang aniya ito sa mga dapat ipaliwanag ni Aquino ngayon.
“Hanggang ngayon di namin maisip kung bakit, anong advantage, anong maganda dun sa ibi-break mo yung chain of command, hindi mo idadaan sa secretary ng DILG at saka yung acting Chief PNP.”
Bukod dito, dapat ding malinaw kung sino ang nagsabi kay Pangulong Aquino ng nangyari sa Mamasapano. s (NIÑO ACLAN)