BUNSOD ng paggamit ng ipinagbabawal na droga, napraning ang isang 30-anyos lalaki at ini-hostage ang may-ari ng boarding house na kanyang inuupahan kamakalawa sa Muntinlupa City.
Kinilala ni Chief Insp. Johnny Gaspar, hepe ng Station Investigation Division ng Muntinlupa Police, ang suspek na si Rodrigo De Vera, alyas Drigor, walang hanapbuhay, at nakatira sa Phase 3, Block 16, Lot 59, Southville 3, Poblacion, Muntinlupa City.
Habang ang biktima ay si Mrs. Preshell Gardose 39, nakatira rin sa nabanggit na lugar.
Nabatid sa ulat ng pulisya, dakong 7:30 a.m. nang maganap ang insidente sa boarding house na inuupahan ni De Vera habang naroon ang live-in partner niyang si Regine Mabborang, 26-anyos.
Batay sa imbestigas-yon, humahangos na nagtungo si Sherly Tacderan sa Police Community Precint 1-NHA upang hu-mingi ng tulong dahil ini-hostage ng kanyang pa-mangking si De Vera si Gardose sa hindi malamang dahilan.
Agad nagresponde ang mga pulis at naa-butan ang suspek na tinututukan ng kutsilyo sa leeg ang biktima.
Nakipagnegosasyon ang mga pulis at iniha-yag ng suspek na susuko lamang siya kay Mayor Jaime Fresnedi.
Agad nagtungo sa lugar ang alkalde at pinakiusapan ang suspek na pakawalan ang biktima at sumuko na.
Makaraan ang isang oras, pinakawalan ng suspek ang biktima at sumuko kay Mayor Fresnedi.
Nakapiit na sa detention cell ng Muntinlupa Police si De Vera na sinampahan ng kasong illegal detention, grave threat, alarm and scandal at illegal possession of deadly weapon.
(MANNY ALCALA)