ILOILO CITY – Hinihintay na ng Department of Health (DoH) Region 6 ang resulta ng swab test sa tatlong Ilonggo na nakasabay sa eroplano ng Filipina nurse na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV).
Ayon kay Dr. Glen Alonsabe, regional epidemiologist ng DoH Reg. 6, lima lahat ang taga Rehiyon 6 na nakasabay sa eroplano ng Filipina nurse na nag-positibo sa MERS-CoV, tatlo sa kanila ay taga-Iloilo habang dalawa sa Negros Occidental.
Ngunit tatlo lang ang isinailalim sa swab test dahil ang isa ay nasa biyahe dahil isa siyang airline crew habang ang isa ay nasa Metro Manila.
Naipadala na aniya ang sample ng throat at nasopharyngeal swabs nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at inaasahan ang resulta kahapon o ngayong araw.
Habang hinihintay ang resulta, isinailalim na sila sa “home quarantine” dahil hindi sila maaring ma-admit sa ospital hangga’t walang sintomas ng sakit.
Pinawi ni Alonsabe ang pangamba ng publiko na mahawaan ng MERS-CoV dahil maliit lang aniya ang posibilidad kung hindi nagkaroon ng “close-contact” sa isang positibo.
LABING-ISANG NAKASALAMUHA NG PINAY NURSE MAY SINTOMAS NG MERS-CoV
MAY sintomas ng Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang 11 nakasalamuha ng Filipina nurse mula sa Saudi Arabia at inoobserbahan ngayon sa nasabing sakit sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Ayon kay Health acting Secretary Janette Garin, mula ang 11 sa 56 ‘close contacts’ ng nurse na natukoy ng kagawaran. Isinailalim na sila sa mga pagsusuri.
Ang close contacts ay bukod pa sa higit 200 nakasama ng nurse sa Saudia flight 860. Binubuo ito ng mga kaanak at personnel sa Evangelista Medical Specialty Center sa San Pedro, Laguna kung saan unang isinugod ang nurse.
Nagnegatibo sa unang test ang 56 close contacts ngunit nagpakita ng sintomas ang 11 at batay sa direktiba ng World Health Organization, paliwanag ni Garin, kailangan silang muling kunan ng ibang samples para makompirmang wala silang MERS-CoV.
“For a patient to be declared as negative, kung hindi siya nagpositibo, kailangan ang dalawa hanggang tatlong negative tests taken two days apart each,” ani Garin.
Nasa RITM na rin ngayon ang 11.
Sa higit 200 nakasabay ng nurse sa flight pabalik ng bansa, 92 ang natunton ng DoH at pumayag na sumailalim sa pagsusuri.