Alam ni Brendo na isang araw ay bigla na lang siyang bubulagta sa tama ng punglo sa ulo. At alam din niyang isang hired killer ang kikitil sa kanyang hininga. Parang siya rin noon na pumapatay nang dahil sa pangangailangan sa pera. Ang mga katulad niya ay walang budhi, walang sinisino, at walang pinapatawad.
Matagal nang nagbagong-buhay si Brendo nang magkaroon na sila ng anak ng kanyang asawa. Pinagsisihan niya ang mga nagawang kasalanan at namuhay nang simple at payak. Pumarehas siya ng laban sa paghahanapbuhay. Itinaguyod niya ang sariling pamilya sa pamamasada ng taksi. At naging maligaya siya sa piling ng mga mahal sa buhay.
Pero bigla na lang dumating sa kanilang mag-asawa ang isang malaking pagsubok. Nagkasakit nang malubha ang kaisa-isa nilang anak na babae na maglilimang taong gulang. Dinapuan ito ng kanser sa dugo. Sa paglipas ng mga araw ay lalo pang lumubha ang kalagayan nito. Tuluyang namayat at nagmistulang lantang gulay ang katawan ng kanilang anak.
Isang espesyalistang doktor ang kaila-ngan upang mabigyan ng tsansang madugtungan ang hininga ng kanilang anak. Ang mga dalubhasang manggagamot ay nasa mahuhusay na klase ng ospital. At makukuha lamang nila ang serbisyo nito kung mayroon silang salaping panustos sa mga gastusin. Pero kabilang nga sila sa mga pamil-yang dukha na “isang-kahig, isang tuka.”
Natuliro ang utak ni Brendo kung saan siya kukuha ng pera. Noon niya natanggap ang isang tawag sa cellphone. Pamilyar sa kanya ang tinig sa kabilang dulo ng linya ng telepono. At ang diga nito: “May gusto akong ipatrabaho sa iyo. Kung okey ka, makipagkita ka sa akin.”
(Itutuloy)
ni REY ATALIA