Marwan nagplano ng Papal bombing (Ayon kay Napeñas)
hataw tabloid
February 10, 2015
News
KINOMPIRMA nang sinibak na Special Action Force (SAF) chief na si Chief Supt. Getulio Pascual-Napeñas, si Marwan ang nasa likod ng planong pagpapasabog ng bomba sa convoy ni Pope Francis nang bumisita sa Filipinas noong Enero 15-19, 2015.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Napeñas, nakatanggap sila ng intelligence report na may mga tauhan si Marwan na maglulunsad ng bombing sa mga lugar na daraanan ng Santo Papa mula sa kanyang tinutuluyan sa Apostolic Nunciature sa lungsod ng Maynila.
Matatandaan, ang nasabing banta ang nagbunsod sa mga awtoridad para i-disable ang signal ng telecommunication companies.
Kasabay nito, iginiit ni Napeñas na hindi totoong nagkulang sila sa plano laban kay Marwan na humantong sa pagkamatay ng 44 tauhan sa Mamasapano, Maguindanao.
Niño Aclan
Banta kay Pope Francis binalewala ng Palasyo
BINALEWALA ng Palasyo ang ibinunyag na may banta ang international terrorist group Jemaah islamiyah kay Pope Francis nang bumisita ang Santo Papa sa bansa noong nakaraang buwan.
“No specific report to this effect was received, and this threat was thereafter assessed to be minimal,” sabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Lacierda makaraan ihayag ni dating PNP-SAF director Chief Supt. Getulio Napenas na may impormasyon silang nakuha na planong pasabugan ng bomba ang papal convoy sa T.M. Kalaw sa Maynila noong Enero 15.
Base sa salaysay ni Napenas sa Senate hearing, isasagawa ni Zulkipli Benhir alyas Marwan ang pagpatay kay Pope Francis habang nasa bansa.
Giit ni Lacierda, mismong si National Security Adviser Cesar Garcia ang nagsabi na walang specific report na natanggap ang pamahalaan hinggil sa nasabing banta sa Santo Papa. Nang i-assess aniya ang ulat ng intelligence community at law enforcement agencies ng pamahalaan, napatunayang masyadong maliit lamang ang tsansa ng pagbabanta kay Pope Francis.
Rose Novenario