ni Ed de Leon
HINDI namin alam iyon, kasi hindi naman namin sinusundan iyong social networking account niyong si James Reid, hindi rin naman kasi kami interesado sa kanya. Palagay kasi namin, puro pralala lang naman iyong sinasabing kasikatan niya. Kaya hindi kami aware na may inilabas pala siyang nagsasabing iyon daw mga taong nagbabasa ng tabloid ay dapat lamang pagsinungalingan. Ang direct quote sa wikang ingles na inilabas niya ay ”People who reads tabloids deserve to be lied to”.
Ang galing hindi ba? Hindi namin alam kung ano ang dahilan at sinabi niya iyon, pero maliwanag na kawalang utang na loob iyan dahil kung hindi ba dahil sa mga tabloid makikilala siya? Makikilala kaya siya kung naroroon lang siya sa mga glossy magazine na kung bilhin ng mga tao ay kung nasa bargain na? Mapapansin kaya siya sa broadsheets na ang nagbabasa ay mga businessmen na ni hindi halos sumusulyap sa mga entertainment pages? Hindi ba alam ng batang iyan kung paano siya napansin, o baka naman lasing lang siya ng gawin niya ang post?
Aminin na natin, ibinasura na iyan noong araw ng ABS-CBN, nagkaroon ng kaunting pangalan sa labas kaya siya kinuha ulit. Pero iyan bang ganyan ang itatapat mo kayDaniel Padilla?
Si Daniel nakagawa ng mga malalaking pelikula, napuno ang buong Araneta, talagang pinagkakaguluhan at isang tambak ang endorsements, pero hindi ganyan kayabang.
Ewan ha, kasi kami hindi naman namin kilala iyang James Reid na iyan.