Sugatang SAF hinakot sa ‘Parangal’ ni Pnoy (Kahit ‘di pa nakarerekober)
hataw tabloid
February 7, 2015
News
KAHIT hindi pa ganap na nakarekober sa sugat sa katawan at isipan, ‘hinakot’ kahapon ang mga survivor at sugatang tropa ng Special Action Force na sumabak sa Mamasapano, Maguindanao, para bigyan ng parangal ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa isang simpleng seremonya sa President’s Hall sa Malacañang na ikinubli sa media, pinagkalooban ng Pangulo ng plake ng kagitingan at medalya ng sugatang magiting ang mga nakaligtas sa madugong bakbakan ng SAF at pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong Enero 25 sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 pwersa ng SAF at ikinasugat ng 12 pa.
Itinaboy ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang mga cameraman na nagtangkang kunan ng video ang mga bus na sakay ang mga survivor habang papasok sa gate ng Palasyo.
Kabilang sa nakatanggap ng pagkilala at medalya ang survivor na si PO2 Christopher Lalan na nagtago sa mga water lily sa ilog habang binabaril siya ng mga sniper.
Nagpasalamat si Pangulong Aquino sa kagitingang ipinamalas ng SAF members sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin.
Naging mga saksi sa okasyon sina PNP officer in charge Leonardo Espina, DILG Sec. Mar Roxas at Defense Sec. Voltaire Gazmin.
Tatanggap sa Marwan Bounty ‘di prayoridad — Palasyo
NILINAW ng Malacañang na hindi prayoridad ngayon ang issue ng reward money na ibibigay ng Estados Unidos na nagkakahalaga ng $5 milyon o katumbas ng mahigit P200 milyon.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap ng paglabas ng balita na kinompirma na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos, na si Zulkifli Binhir alyas Marwan ang napatay ng mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ang tinututukan ng pamahalaan ngayon ay ang pag-alam ng buong katotohanan, paggawad ng katarungan sa mga napatay na SAF comandos, at pagbibigay ng suporta sa mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Una rito, ipinanukala ng ilang mambabatas na ibigay na lamang sa mga naulilang pamilya ang pabuya makaraan mapatay si Marwan.
Rose Novenario