Agad nilapitan ni Junior Tutok si Estoy na sumakay sa minamanehong taksi. Idiniga naman agad ng taxi driver na pagarahe na siya sa Valenzuela City. Pero mabilisan ni-yang binuksan ang pinto ng taksi sabay sa pagsasabing, “Tamang-tama, Pare… du’n din ang punta ko, e.” At kampante siyang naupo sa tabi nito. “Plus fifty (singkwenta pesos) sa patak ng metro, Pare,” pambobola pa niya sa bibiktimahing driver.
Ipinaalam pa kunwari ni Tutok kay Estoy kung saang lugar sa Valenzuela siya iibis. Walang imik nitong pinatakbo ang ipinanghahanapbuhay na sasakyan. Humahagibis iyon sa kalsada. Idedeklara na sana niya ang panghoholdap pero biglang tumunog ang cellphone ng taxi driver. Naging tahimik lang siyang tagapakinig ng kausap sa kabilang dulo ng telepono. Konting usapan lang iyon na karakang tinapos sa pagpapatay nito ng cellphone.
“Holdap ‘to, Pare, ‘wag kang papalag!” pag-aanunsiyo ni Tutok sa panunutok ng balisong sa leeg ng taxi driver.
Napahalakhak nang malakas si Estoy ga-yong hilam na sa luha ang mga mata. Kung napakinggan lang ni Tutok ang pinagsasabi sa taxi driver ng misis niya ay baka hindi na niya itinuloy ang panghoholdap. Iniwan na kasi siya ng asawa at tuluyan nang sumama sa kalaguyong lalaki. Pati ang tatlong malilit pa nitong anak ay tinangay din sa pag-alis ng lumayong misis.
“Pare, mali ang hinoldap mo… Sa impi-yerno ang biyahe ko, e!”
At biglang kinabig na pakaliwa ng taxi driver ang manibela ng pinahahagibis na sasakyan sa high way. Isinalpok nito ang minamanehong taksi sa kasalubong na 10-wheeler truck.
“Aaaahhhhh!” ang malakas na sigaw ni Tutok sa pinakahuling sandali sa pagtataglay ng buhay! (Wakas)
ni Rey Atalia