Pnoy, Roxas nagsigawan sa Fallen 44?
hataw tabloid
February 5, 2015
News
TODO-TANGGI ang Palasyo sa ulat na nagsigawan sina Pangulong Benigno Aquino III at Interior Secretary Mar Roxas makaraan ang pagkamatay ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao .
“Hindi totoo at walang katotohanan ang balitang ‘yan,” text message ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sa HATAW nang tanungin hinggil sa naturang insidente.
Batay sa isang impormante, nagkasagutan sina Aquino at Roxas nang komprontahin ng kalihim ang Pangulo kung bakit hindi ipinaalam sa kanya ang Mamasapano operation na ikinamatay ng 44 tropa ng SAF.
Matatandaan, naitsapwera si Roxas sa naturang operasyon ng SAF gayong nasa direktang pamamahala ng DILG ang PNP at nang araw ng operasyon (Enero 25) ay nasa sa Zamboanga City sila ng Pangulo.
Walang ibinigay na dahilan ang Pangulo kung bakit ‘binulag’ niya si Roxas sa Mamasapano operation at hayaan na lang aniya ang Board of Inquiry na alamin ito.
“Yung… we’ll look into that, ano, kung bakit hindi alam ni Secretary Roxas or Deputy Director General Espina—that will be borne out in the Board of Inquiry,” sabi ng Pangulo tatlong araw makaraan ang Mamasapano operation.
Tanging sina Pangulong Aquino, suspended PNP chief Alan Purisima at sinibak na SAF chief Gertulio Napeñas ang nakaaalam ng operasyon sa paglusob sa Mamasapano upang isilbi ang warrant of arrest laban sa international terrorists na sina Marwan at Usman.
Inabswelto rin ng Pangulo si Executive Secretary at PAOCC chief Paquito Ochoa na naunang nabunyag na nagbigay ng basbas sa Mamasapano operation.
Rose Novenario