HINDI kataka-taka kung nasabi ni Luis Manzano na malapit sa puso niya ang show na Deal or No Deal. Bukod kasi na ito ang show na siya lamang ang host o solo host siya, marami pa siyang napasasayang tao at natutulungan.
At bukod sa P1-M na ipamimigay nila may malaking pagbabagong magaganap sa pagbabalik ng Kapamilya Deal or No Deal sa Lunes (Feb 9), ito ay ang pagrampa ng Lucky Stars na may hawak ng mga briefcases na naglalaman ng halagang maaaring magbago ng kanilang kapalaran.
“Mayroong teen heartthrob, beauty queen, character actor, sexy actress, character actress, former action star, stand up comedian, singer at iba pa,” paglalarawan ni Luis sa Lucky Stars.
Hindi lang tagahawak ng briefcases ang papel na gagampanan ng mga Lucky Stars dahil sila rin ang maglalaro para sa kapalaran nila. Gamit ang isang roleta, pipiliin kung sino sa 20 lucky stars ang maglalaro para sa araw na iyon. Maaari nilang ilaban ang laman ng hawak nilang briefcase o maaari silang makipagpalit sa kapwa Lucky Star nila. Matapos nito, simula na ng tawaran at pagsagot sa mahiwagang tanong na ‘deal or no deal?’
“I would love for regular players to play pero ‘pag bagong format usually celebs muna for familiarity,” paliwanag ni Luis ukol sa bakit ang mga Lucky Star muna ang maglalaro.
Bale ito ang pinakaunang pagkakataon sa lahat ng Deal or No Deal franchise sa mundo na ang briefcase girls ay papalitan ng iba’t ibang kilalang personalidad na magsisilbi rin bilang studio players.
Ayon naman sa Creative Manager ng Deal or No Deal, na ang Lucky Stars ay mananatili lamang sa show sa loob ng isang buwan.
“It was an easy decision for Endemol to approve the tweaks done by Kapamilya Deal Or No Deal because they trust us,” sambit naman ng isa pa sa executive nito na si Jun Santiago.
Ngayon pa lamang, marami na ang nagtatanong sa amin, kung sino-sino kaya ang bubuo sa Lucky Stars? ‘Yan ang dapat nating abangan sa Feb. 9 sa ABS-CBN.
ni Maricris Valdez Nicasio