Saturday , December 28 2024

Purisima ‘pinasibat’ ni Pnoy?

FRONTMAAARING binigyan ng travel authority ni Pangulong Benigno Aquino III si suspended Philippine National Police (PNP) chief, Director General Alan Purisima kaya red passport ang ginamit nang lumabas ng bansa limang araw makaraan sumabit ang pangalan sa Fallen 44.

Tumanggi si Presidential Edwin Lacierda na kompirmahin kung nakalabas na ng Filipinas si Purisima dahil beberipikahin pa aniya ito sa Bureau of Immigration (BI).

Batay sa mga umiiral na batas at patakaran sa civil service, bilang presidential appointee ay kailangang kumuha ng travel authority kay Pangulong Aquino bago makabiyahe palabas ng bansa.

Napaulat na nagtungo si Purisima sa Saipan noong nakaraang Biyernes (Enero 30) upang dumalo sa isang pagtitipon ng Grand Lodge of Free and Accepted Masons.

Si Purisima ang Grand Master o pinakamataas na pinuno ng naturang organisasyon sa Filipinas.  

Sinabi ni Lacierda, na hahayaan na lang ng Palasyo ang Kongreso na ipatawag si Purisima para magpaliwanag kaugnay sa kinalaman niya sa Oplan Exodus na nagresulta sa pagkamatay ng 44 kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao nang makipagbakbakan sa pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Nauna rito, inabswelto ni Pangulong Aquino si Purisima nang mapaulat na ang suspendidong PNP chief ang nagplano ng madugong operasyon.

Itinanggi rin ng Pangulo na siya ang nagbigay ng go-signal sa operasyon at wala rin aniyang alam dito si Executive Secretary Paquito Ochoa, bilang pinuno ng Presidential Anti-Crime Commission.

Walang white wash sa Fallen 44 Probe (Tiniyak ng Palasyo)

TINIYAK ng Palasyo na walang magaganap na whitewash sa pag-iimbestiga sa kaso ng Fallen 44.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi makatarungan ang paratang o pagdudahan ng ilang grupo na may pagtatakip na magaganap sa pagsisiyasat nang binuong Board of Inquiry ng Philiipine National Police (PNP) dahil ang organisasyon ang namatayan.

“The police is investigating themselves that the findings may not be credible. That is pretty unfair. And I think that is sad that people would say that considering that it’s the police force that lost lives. It’s the institution that has lost precious people,” ani Lacierda.

Sinabi ni Lacierda, kung magkakaroon ng pagtatakip ay magdudulot ito ng kawalang hustisya sa Fallen 44 .

“We will do injustice to the Fallen 44 if there is such a thing. And that’s the reason why — if you want to give justice to the Fallen 44, any investigative body whether it’s a Board of Inquiry, the Senate and the House, should really seek the truth. That’s the minimum requirement,” dagdag niya.

Rose Novenario

Bill sa Truth Commission Inihain Sa Senado (Para sa Fallen 44)

INIHAIN sa Senado ang panukalang batas para bumuo ng Truth Commission na naglalayong alamin ang katotohanan sa operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan, na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) makaraan makasagupa ang tropa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao.

Pinangunahan ni Senate Committee on Peace, Unification and Reconciliation chairman, Sen. Teofisto Guingona III ang paghain ng Senate Bill 2603.

“As one of the few representatives of Mindanao in the Senate, this tragic incident has struck me deeply, and I am one with the nation in mourning our brave heroes,” ani Guingona.

Sa ilalim ng panukala, ang independent ad hoc fact-finding commission ay binubuo ng chairman at dalawang commissioners na aakto bilang collegial body.

“The creation of this Commission shall be our humble way of honoring our fallen heroes, who served the country with excellence, valor and patriotism. We should not allow their deaths to be in vain,” wika ng senador.

Isinulong ang pagbuo ng komisyon sa harap ng pagdududa ng ilan sa kredibilidad ng magiging resulta ng imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry ng Philippine National Police (PNP), maging ng sariling imbestigasyon ng MILF.

Niño Aclan/Cynthia Martin

Hustisya sa Fallen 44 — ALAM (Huwag sanang matulad sa Maguindanao massacre)

HUWAG sanang matulad ang kaso ng Fallen 44 sa Maguindanao Massacre.

Ito ang panalangin at hangarin ni Alab ng Mamamahayag (ALAM) Chairman Jerry Yap habang patuloy na nagsasalimbayan ang mga opinyon sa trahedyang sinapit ng mga kagawad ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Yap, nakalulungkot isiping isa na namang trahedya ng inhustisya ang naganap sa bansa gayong hindi pa nalulutas ang mga nauna rito.

Palala ni Yap, limang taon na ang kaso ng Maguindanao Massacre ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin hustisya.

Posible umanong matulad ang trahedyang sinapit ng Fallen 44 kahit sila pa ang elite force ng Philippine National Police (PNP).

“Kahit ano pa ang itawag nila sa Fallen 44, mis-encounter na kung misencounter, tao pa rin silang niyurakan ang karapatan at pinatay nang walang kalaban-laban,” ani Yap. “Kailangang mabigyan sila ng hustisya sa lalong madaling panahon.”

Gayonman, nangangamba ang dating pangulo ng National Press Club (NPC) na mababalewala ang pagkalagas ng buhay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

“Dapat ay may gumulong na mga ulo,” giit ni Yap. “Parusahan ang dapat parusahan at panagutin ang mga may kinalaman sa misencounter, kung misencounter nga itong matatawag.”

Samantala, lumalakas ang panawagang bumuo ng Truth Commission para imbestigahan ang madugong enkwentro sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 PNP-SAF at ilang sibilyan.

Kasama sina Sen. Bam Aquino at Sen. Koko Pimentel, inihayag ni Senate Peace, Reconciliation and Unification Committee chair Sen. TG Guingona ang paghahain ng panukala sa Senado para sa pagbuo ng independent ad hoc fact-finding commission.

May panukala rin sa Kongreso sa pangunguna nina Representatives Sitti Hataman, Jorge Banal at Marcelino Teodoro.

Iginiit ni Guingona na kailangan ng independent and credible commission na tututok sa imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan at mapanumbalik ang pagtitiwala ng taong bayan sa gobyerno.

“Dapat, may miyembro rin mula sa militar sa Truth Committee para mabalanse ang pananaw ng mga sibilyang tulad natin,” giit ni Yap.

“At sana rin, Truth Commission nga at hindi ‘Truth for Commission’ ang Truth, depende sa Commission, dahil malaking pondo mula sa intelligence and discretionary funds ng presidente ang gagamitin sa pag-iimbestiga. Sana lang, hindi magamit ang malaking Commission para pagtakpan ang Truth,” diin ni Yap.

Pagkamatay ng kano ipinabubusisi (Sa Mamasapano clash)

HINILING ng dalawang mambabatas na maisama sa ikinakasang imbestigasyon ng Kamara ang tunay na papel ng puwersang Amerikano sa “Oplan Wolverine.”

Sa kabila ito ng pagtanggi mismo ng Palasyo at Federal Bureau of Investigation (FBI) na may kinalaman ang mga banyaga sa operasyon ng PNP-Special Action Force sa dalawang terorista sa Maguindanao.

Ayon kina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate, may mga testigo sa Maguindanao na nagsasabing may nakita silang bangkay ng sundalong Caucasian sa mismong lugar ng enkwentro.

Mismong tagapagsalita aniya ng grupong Suara Bangsamoro na si Zokor Aba ang nakipag-usap sa saksi na sinasabing humipo pa sa ilong ng patay na dayuhang sundalo.

May isa pa aniyang testigong nagsabi na may nakita silang dumating na helicopter sa lugar at kinuha lamang ang ilang labi.

Dagdag ng Bayan Muna Party-list, kasama ang nasabing mga testigo sa mga unang nakarating sa lugar na pinangyarihan ng enkwentro.

Military court ng MILF ‘di kikilalanin ng Palasyo (Lilitis sa Mamasapano clash)

WALANG balak ang Palasyo na kilalanin ang military court ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na lilitis sa kanilang mga miyembro na mapatutunayang sangkot sa pagpaslang sa 44 kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, pinag-aaralan na ni Justice Secretary Leila de Lima kung anong mga kaso ang isasampa sa hukuman laban sa mga responsable sa madugong enkwentro kaya ang inaasahan ng pamahalaan ay tumulong ang MILF sa paghahanap ng katotohanan.

Paulit-ulit na aniya ang panawagan ng Palasyo sa MILF na magpakita ng sinseridad at “good faith.”

“ Secretary Leila de Lima has made — has been preparing some — or rather preparing some charges also. We would expect MILF to show good faith and sincerity,” aniya.

Iwas-pusoy si Lacierda kung hihilingin ng administrasyong Aquino sa MILF na isuko ang kanilang mga tauhan na sangkot sa Fallen 44, ang hirit lang ng Palasyo ay ibalik ng mga rebelde ang mga kinuhang gamit at armas ng mga pinatay na pulis.

Rose Novenario 

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *