NATATAWA kami at naloloka sa kuwento ng isang kaibigang nakapanood ng katatapos na concert ni Michael Buble na ginanap sa Mall of Asia Arena noong Sabado. Paano’y iritang-irita siya sa hindi mapigilang PDA (public display of affection) nina Dra. Vicky Belo at Hayden Kho.
Ayon sa kuwento, animo’y PBB teens lang ang peg nina Belo at Hayden dahil sobra-sobra raw ang pag-PDA habang nanonood ng concert. “Nakaiirita kasi hindi naman sila mga teen-ager para umarte ng ganoon na yakapan ng yakapan! Hello, matatanda na sila anoh!” tili ng mataray naming kaibigan.
Sagot ko naman, baka ‘ika ko nadala sa magagandang awiting ipinarinig ni Buble sa concert kaya hindi sila nakapagpigil sa isa’t isa. Kasi naman ‘di ba nakai-in-love ang mga awitin ni Michael? Eh, ano pa ‘yung live na maririnig ang kanta nito, siyempre baka nadala sila sa sobrang emosyon nila. ‘Yung sobrang pagmamahal nila sa isa’t isa hahaha…
At baka ‘ika ko pa ay sobrang na-mis nina Belo at Hayden ang isa’t isa kaya hindi nila alintaha na nasa concert sila at maraming tao.
Hindi lang pala ang sobrang paakap-akap at lambing-lambing ang napansin sa dalawa. Hitsura talaga ng highschool, talo ang mga estudyante sa kanila. Kasi naman, si Hayden pa rin ang nagbitbit ng Hermes bag ni Belo. O ‘di ba talbog talaga?!
ni Maricris Valdez Nicasio