Friday , November 15 2024

Huling saludo ipinagkait ng Pangulo (Sa Fallen 44)

FRONTIMBES kumalma, lalong nadesmaya ang mga pulis kay Pangulong Benigno Aquino III nang ipagkait niya ang “hu-ling saludo” ng Commander-in-chief sa 44 kasapi ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na brutal na pinaslang ng mga terorista sa Mamasapano, Maguindanao.

Hindi sumaludo si Pangulong Aquino sa bawat kabaong ng napaslang na SAF member bilang sagot sa pagsaludo ng napatay na tropa ng pamahalaan, na labag sa itinakdang protocol sa necrological services sa tinaguriang SAF 44 sa NCRPO Multi-Purpose Center, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

“The President shall offer a moment of silent prayer in front of the fallen trooper. After the silent prayer, the President shall present the “Medalya ng Katapangan” and place it on top of the coffin and render a salute as a sign acknowledging the salute of the fallen trooper,” ayon sa ipinalabas na program of activities ng Palasyo.

Naging emosyonal naman ang talumpati ni Erica Pabalinas, asawa ni Police Senior Inspector Ryan Pabalinas, na nagsumamo kay Pangulong Aquino na tulungan silang makamit ang katarungan.

Bilang pagpapakita nang kanilang pagkadesmaya,

ilan sa mga naulilang pamilya ng SAF 44 ang hindi tinanggap ang inabot na “Medal of Valor” na iniaabot ng Pangulo.

Kabilang si Rachel Sumbila, biyuda ni PO3 John Lloyd Sumbila sa tumangging tanggapin ang medalya kaya iniabot na lang sa isa pa nilang kaanak.

“Speechless po ako kasi feeling ko matatabunan at matatabunan ‘yung issue. Sa rami ng problema ng government, hindi ko alam kung ipa-priotize ito,” aniya.

Wala rin pumalakpak matapos ang eulogy ni Pangulong Aquino na mas malaking parte ay tumalakay sa naging personal na karanasan ng kanyang pamilya nang paslangin ang amang si Sen. Benigno Aquino Jr.

“Bilang Pangulo, gustuhin ko man pong magalit, ay hindi ako pwedeng magpadala sa emosyon. Hindi ko pwedeng idaan ito sa bara-barang pagdedesisyon.

Dahil kapag pinairal ko ang galit, baka imbes maresolba ay lalo ko pang palalain ang problema. Sisikapin po nating makamit ang katarungan para sa lahat ng pinaslang at kanilang mga naiwang mahal sa buhay,” aniya.

Nagkatinginan at napailing ang mga pulis makaraan ang eulogy ng Pangulo at sabay sabing,

“Ano ba naman ‘yan, nagbasa lang ng speech dito. Halatang walang sinseridad ang pakikiramay.”

Nauna rito, inulan ng batikos ang hindi pagsalubong ng Pangulo sa SAF 44 sa Villamor Airbase dahil dumalo siya sa inagurasyon ng planta ng Mitshubishi Motors sa Sta. Rosa, Laguna.

500 pulis dumalo sa sympathy walk

UMAABOT sa 5,000 pulis at alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA), kabilang ang mga aktibo at wala na sa  serbisyo, ang nakiisa sa martsa bilang pakikidalamhati at pakikisimpatiya sa namatay na mga miyembro ng PNP Special Action Force (PNP-SAF), sa Taguig City kahapon.

Bandang 6 a.m. nang simulan ang “Sympathy Walk” mula Bayani Road, Fort Bonifacio patungong Camp Bagong Diwa, Bicutan, kung saan nakaburol ang 42 miyembro ng PNP-SAF na walang-awang pinatay ng grupo ng mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo.

Idinaan ng grupo sa paglalakad ang kanilang panawagan para sa hiling na hustisya sa brutal na pagpatay sa mga biktima.

Bukod sa mga pulis, may mga miyembro rin ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection ang sumama sa martsa at karamihan sa kanila ay nagsuot ng itim na ribbon bilang tanda ng pakikidalamhati.

May dala silang mga bulaklak at mga placard bilang paghiling ng hustisya. (MANNY ALCALA)

 

Necrological Service Sa Pnp-Saf Napuno Ng Emosyon

NAGING madamdamin ang isinagawang necrological service sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa Bicutan Taguig City para sa namatay na mga miyembro ng PNP- Special Action Forces (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao nitong Linggo.

Dakong 9 a.m. nang umpisahan ang necrological service sa NCRPO Multi-Purpose Hall para sa 41 PNP-SAF members at nagkaroon ng interfaith prayer para sa mga biktima at nagbigay rin ng eulogy ang commanding officers na sina Supt. Reynald Ariño, Supt. Abraham Abayari, Col. Danilo Pamonag, at Chief Insp. Victor Lacwasan.

Sinundan ito nang pigil ngunit tagos sa damdaming eulogy ng commanding officers ng SAF commandos.

Ngunit makaraan magbigay ng madamdamin eulogy ng apat na opisyal ay inihinto ang necrological service habang hinihintay ang pagdating ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Bandang 10:08 a.m. nang makapasok sa multi-purpose hall si Pangulong Noynoy Aquino na inisa-isa ang mga kabaong ng namatay na mga miyembro ng SAF, kasama sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas at Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Director Gen. Leonardo Espina.

Inisa-isa ni Pangulong Aquino ang mga kabaong, inalayan ng dasal at inabutan ng parangal ang mga kaanak ng mga namatay kabilang na ang medalya.

Ngunit ilan sa mga kaanak ng biktima ay hindi tiningnan ang Pangulo bilang pahiwatig na may hinanakit sila sa lider ng bansa.

Isa rin sa mga kaanak ng namatay na pulis ang hindi tinanggap ang ibinigay na plaque at award ni Pangulong Aquino dahil sa sama ng loob sa nangyari sa kanyang asawa. (MANNY ALCALA)

 

Hustisya ginarantiyahan ni Pnoy

GINARANTIYAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang hustisya at tulong sa mga naulila ng 44 namatay na mga miyembro ng PNP-SAF commandos.

Inihayag ito ng Pangulo sa necrological services para sa mga biktima sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kahapon.

Sa pagbibigay-pugay ni Aquino sa pagbubuwis ng buhay ng mga elite police: “Malinaw po: Bayani ang asawa, kapatid, o anak ninyong dinadakila natin sa araw na ito. Malaki po ang utang ng loob ng sambayanan sa kanila.”

Kasabay ng pasasalamat, nakikiramay siya sa mga naulilang kaanak.

Ngunit sa pagharap sa mga nagluluksang kapamilya, aminado ang Pangulo na blangko siya sa kung ano ang mga salitang maaaring makapagpagaan sa kalooban ng mga nawalan ng kapamilya. 

Dahil mismong siya, nadama niya ang pagbabago at galit na nararamdaman ng isang nawalan ng minamahal nang biglaan. 

Ibinahagi ni Aquino sa mga naulila ng SAF commandos ang payong sinaligan niya nang mawala ang amang si Ninoy Aquino, na dapat na makita ang kabuuan ng plano ng Diyos na magliliwanag sa pinagdaraanan.

 

OPS vs Usman paigtingin — Pnoy

INIUTOS na ni Pangulong Benigno Aquino III ang mas mahusay na operasyon para hulihin ang Filipino Jemaah Islamiyah bomb maker na si Abdul Basit Usman.

Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang eulogy sa necrological service para sa SAF 44 sa Camp Bagong Diwa , Bicutan, Taguig City.

Gayonman, labis na nadismaya ang mga pulis na nasa naturang okasyon nang walang binanggit ang Pangulo na may pananagutan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nakasagupa ng tropa ng pamahalaan na naging sanhi nang pagkamatay ng SAF 44.

Sa nangyaring operasyong ng SAF, sinasabing napatay ang pangunahing target na si Zulkipli Bin Hir o Abu Marwan, na napaulat na pinutol ang daliri para isailalim sa DNA test nang mahirapan ang tropa ng pamahalaan na ilabas ang bangkay sa area.

Habang may impormasyon na buhay pa si Marwan at ang napatay ng SAF ay ang bodyguard niyang Indonesian JI member na kahawig niya.

Rose Novenario

 

P800-K, lifetime pension kada pamilya

TINIYAK ng Palasyo ang benefit package na matatanggap ng mga naulilang pamilya ng SAF 44.

Sa kalatas na ipinamudmod ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. sa media, sinabi niya na kabilang sa mga benepisyo ay lifetime pension, gratuity equivalent to one year salary, additional pension for the next five (5) years, Pag-Ibig Fund death benefits, insurance benefits, at commutation of leaves.

Bawat pamilya aniya ay bibigyan ng inisyal na minimum na PhP 800,000 cash, at hindi pa kasama rito ang monthly pension benefits at iba pa.

Rose Novenario

 

 

About hataw tabloid

Check Also

La Consolacion College Fire

Sa Mendiola, Maynila  
LA CONSOLACION NASUNOG EMPLEYADO SUGATAN

SUGATAN ang isang empleyado sa sunog na tumupok sa La Consolacion College, sa Mendiola St., …

Motorsiklo sinikwat tirador natunton sa mga kuha ng CCTV

Motorsiklo sinikwat ‘tirador’ natunton sa mga kuha ng CCTV

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos nakawin ang isang nakaparadang motorsiklo sa Sta. …

Carlwyn Baldo

Kalusugan nalagay sa alanganin
LEGAL TEAM NI DARAGA MAYOR CARLWYN BALDO PINAG-AARALAN KASONG ISASAMPA LABAN SA NURSE  
Warden humingi ng paumanihin

PINAG-AARALAN ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang kasong isasampa laban sa nurse ng …

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *