Purisima itinurong utak sa Mamasapano SAF operations
hataw tabloid
January 29, 2015
News
LUMITAW ang impormasyon kahapon na ang suspendidong Philippine National Police (PNP) chief na si Dir. Gen. Alan Purisima ang tunay na nasa likod ng operasyon ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Batay sa pahayag ng isang police general sa Manila Standard, hindi masisisi sina DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Leonardo Espina kung wala man silang direktang kaalaman sa pangyayari dahil talagang covert o lihim ang operasyon.
Ngunit ayon sa heneral, batid ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagtugis ng pulisya kina Malaysian terrorist Marwan at Basit Usman, ngunit walang malinaw na impormasyon kung may opisyal na marching order mula sa Malacañang.
Sinasabing ipinagkatiwala kay Purisima ang operasyon dahil siya ang nakatutok sa galaw ni Marwan mula pa noong taon 2005.
Dagdag ng opisyal, plano sanang dalhin at agad na iharap sina Marwan at Usman kay Pangulong Aquino na nagtungo sa Zamboanga noon kung nahuli ang mga terorista.
Ngunit sa hiwalay na impormasyon, lumalabas na wala sa Maguindanao ang mga tinutugis na mga bandido kundi nasa Lanao area.
PNP itinanggi
ITINANGGI ni Philippine National Police (PNP) deputy spokesperson, Senior Supt. Roberto Po na si suspended chief Alan Purisima ang nagplano sa Mamasapano operations na ikinamatay ng 44 elite cops.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Po na ang report ay ‘hearsay’ lamang.
Nauna rito, iniulat sa isang pahayagan na ang operasyon laban sa dalawang bomb makers na may kaugnayan sa al Qaeda network, ay iniutos ni Purisima.
Sinabi ni Interior Secretary Manuel Roxas, tinutugis ng mga pulis ang dalawang “high-value” militants ngunit nakasagupa ng mga awtoridad ang grupo ng mga rebelde.
“This was a misencounter,” pahayag ni Roxas sa news conference sa Cotabato City.
Samantala, inihayag ng mga opisyal ng PNPA Alumni Association na maghahain sila ng kaso sa mga nagplano ng nasabing operasyon.
Sinabi ng chairman ng grupo na si Supt. Tomas Rentoy, mananawagan sila sa kanilang mga miyembro na maghain ng limang araw na mass leave bilang pagkondena sa insidente.
PNP Spokesman sinibak sa puwesto
SINIBAK sa puwesto si Chief Supt. Wilben Mayor bilang hepe ng PNP Public Information Office.
Ang paglipat sa tungkulin kay Mayor ay habang nasa kainitan ang isyu kasunod ng madugong enkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) ang namatay.
Ang pagkakasibak sa pwesto kay Mayor ay sinasabing dahil sa kontrobersiyal na isinagawang police operation ng SAF commando sa probinsiya ng Maguindanao.
Epektibo kahapon ang relieved order kay Mayor.
Pansamantalang hahalili sa pwesto ni Mayor si Chief Supt Generoso Cerbo Jr., ang deputy director ng PNP Directorate for Intelligence.
Si Mayor ay itinalaga bilang PNP spokesperson noong nakaraang Setyembre 2014 kapalit ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac.
Sinasabing ililipat si Mayor sa ibang pwesto.
Kamakalawa ay nasibak sa pwesto si PNP-Special Action Force (SAF) chief, Director Getulio Napenas dahil sa ‘misencounter’ sa Mamasapano.
Itinalaga ni PNP OIC chief Deputy Director General Leonardo Espina bilang officer-in-charge ng PNP-SAF si Chief Supt. Noli Talino.
Sa inisyal na impormasyon, sinasabing hindi ipinaalam kay Espina ni Napenas ang inilunsad na operasyon.
Aniya, standard operating procedure (SOP) na ipaalam sa liderato ang isasagawang operasyon partikular kung ito ay target ang tinaguriang high value terrorists.