ni Ed de Leon
NATAWA kami sa sagot ng organizer ng Binibining Pilipinas na si Stella Marquez Araneta tungkol sa pagpuna ng mga Pinoy sa isinuot na national costume ni MJ Lastimosa sa Miss Universe pageant.
Sabi ni Mrs. Araneta, ilang taon din naman daw na ang mga couturier na Filipino ang pinagagawa nila ng national costume ng mga kandidata sa Miss Universe, pero nitong mga nakaraang taon ay walang maibigay iyon na magagandang designs at iyon ang dahilan kung bakit nagpapagawa siya sa mga foreigner.
Sa taong ito nga ang pinagawa niya ay si Alfresdo Barraza ng Columbia na isang kababayan niya. Columbian national kasi iyang si Mrs. Araneta.
Siya ang kauna-unahang Miss International at napunta rito nang maging asawa ang negosyanteng si Jorge Araneta. Pero nanatili siyang isang Colombian national, kaya siya pa nga ang charge d’affairs ng honorary Consulate ng Colombia rito sa Pilipinas.
Nangatuwiran pa siya na ang national costume naman daw sa Miss Universe ay hindi kailangang eksaktong iyon mismong kasuotang Filipino kundi iyong halos kagaya lang. Una raw niyang pinagsuot ng national costume na gawa ng foreigner si Miriam Quiambao.
Itong taong ito lang talagang napintasan siya ng husto dahil sa suot ni MJ na sinasabi nga ng marami na parang “sapin-sapin”. Kasi iyong mga kulay nga niyon ay hindi karaniwang pinaghahalo sa kasuotan ng mga Filipino. Iyong ganoong kulay ay nakikita lamang sa kalamay na sapin sapin.
Maski nga ang aktres na si Ruffa Gutierrez na naging Miss World runner up din ay nagsabing naniniwala siyang ang dapat na pinagagawa ng mga damit ng mga beauty queen na ipinadadala natin sa ibang bansa ay mga couturier na Filipino. Noong sumali si Ruffa sa Miss World, ang gumawa ng kanyang gown ay si Mang Ben Farrales.
Hindi bale, baka naman sa susunod ay hindi na mukhang sapin-sapin ang ipasusuot sa ating kandidata sa Miss Universe. Puwede bang kulay kalamay hati na lang?