Gov’t ‘di bibitiw sa peace process
hataw tabloid
January 28, 2015
News
TULOY ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kabila nang malagim na enkwentro sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng mahigit 40 pulis.
Sinabi ng pinuno ng government peace panel na si Miriam Coronel-Ferrer, bagama’t nabasag ang ceasefire ay mabilis itong napanunumbalik dahil sa ugnayan ng pamahalaan at ng MILF.
“Ang banggit ho sa ‘tin nila, ‘yung isang paa nila ay nasa loob pa, ‘yung isang paa ay nasa labas… Dahil nasa transition pa e talagang combatants pa po ‘yan,” pagtingin ni Ferrer sa MILF. “So ang nangyari po rito, ‘yung isang law enforcement operation, naging maliit na giyera at sa kasamaang palad ay na-break po ang ating ceasefire.”
“Ang mahalaga ay na-restore natin agad, na-stabilize agad ‘yung situation, na-minimize ‘yung damage, na-save ‘yung buhay na pwede pang mailigtas.”
Bagama’t ikinalulungkot din ang insidente, iginiit ni Ferrer na kailangang ipagpatuloy ang negosasyon sa MILF para makamit ang permanenteng kapayapaan sa Mindanao.
“Ngayon naman ang gusto nating i-save, iligtas ay siyempre ‘yung kabuuan ng prosesong pangkapayapaan natin. Hindi sana ito maging sanhi para bumalik tayo sa giyera kasi mas mabigat po ang implikasyon kung bigla nating bitawan itong prosesong isinasagawa na natin.”
Rose Novenario
‘Misencounter’ Linawin Muna Bago Bbl — Bongbong
NANINDIGAN si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., chairman ng Senate committee on local government, sa pagsuspinde sa mga pagdinig hinggil sa Bangsamoro Basic Law kasunod ng ‘misencounter’ ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Bukod sa MILF fighters, nakalaban din ng PNP-SAF ang pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nasa loob ng balwarte at teritoryo ng MILF.
Sinabi ni Marcos, kailangang malinawan muna ang lahat ng agam-agam at duda makaraan ang nangyaring karahasan sa kabila ng peace process at ceasefire agreement.
Ayon kay Marcos, kabilang sa dapat malinawan ay kung bakit walang koordinasyon at kung bakit ganun karahas ang tugon ng MILF nang dahil lamang sa kawalan ng abiso sa operasyon.
Layunin aniya ng suspensyon na maimbestigahan ang buong pangyayari para maiwasang maulit at maisama sa mabubuong batas para sa Bangsamoro.
Cynthia Martin/Niño Aclan