Video ng napatay na elite force kinondena ng PNP
hataw tabloid
January 27, 2015
News
KINONDENA ng pamunuan ng PNP Special Action Force (SAF) ang ipinakalat na karumal-dumal na video na nagpapakita ng mga napatay na miyembro ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay SAF Commander, Police Director Detullo Napenas, hindi gawain ng isang taong nasa matinong kaisipan ang ipinakita sa video na ipinangangalandakan ang brutal na pagpatay sa kanyang mga tauhan.
Sinabi ni Napenas, ‘barbaric’ ang ginawa ng mga armadong grupo sa kanyang mga tauhan, batay na rin sa nakita niyang video na ini-upload at ipinakalat sa social networking sites.
Dagdag ni Napenas, may natanggap na rin siyang impormasyon na ilan sa kanyang mga tauhan na napatay sa Mamasapano ay pinugutan pa ng ulo.
Pagdinig sa Bangsamoro sinuspinde ni Bongbong
IPINASUSPINDE ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang lahat ng pagdinig kaugnay ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) makaraan ang sagupaan ng mga pulis at MoroIslamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Kasabay ng pagkondena sa insidente, iginiit ni Marcos, pinuno ng Senate Committee on Local Government, hindi maaaring isabatas ang peace agreement sa ilalim ng banta nang matinding karahasan.
“I decided to suspend indefinitely all discussions and hearings related to the passage of the Bangsamoro Basic Law until this is clarified. We cannot in conscience, proceed with these hearings while a cloud of serious doubt hangs over the security situation in the south,” bahagi ng pahayag ng senador.
Hindi kinagat ni Marcos ang katwiran ng MILF na walang naging koordinasyon ang Special Action Forces (SAF) ng PNP sa kanila ukol sa pagpasok sa Mamasapano para sa isang operasyon.
Giit ng senador, lehitimo ang misyon ng pulisya at sana’y nakipag-usap na lang ang MILF sa SAF imbes nakipagbakbakan.
Cynthia Martin/Niño Aclan
Palasyo bumuo ng Fact-Finding Committee
BUMUO ang Malacañang ng fact finding committee na tututok sa nangyaring enkwentro ng Philippine National Police-Special Action Forces (PNP-SAF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, layon nitong mabatid ang buong pangyayari lalo’t maraming mga pulis at MILF ang napaulat na namatay sa insidente.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Palasyo sa mga naulilang pamilya ng namatay mga pulis.
Gayonman, tikom muna ang Malacañang sa kung ano ang epekto ng enkwentro sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF.
Ayon kay Coloma, nagpupulong na ang peace panel ng pamahalaan at agad magpapalabas ng opisyal na pahayag kaugnay nito.
Rose Novenario