HINDI pinalad makapasok ang ating pambato sa 63rd Miss Universe pageant na ginanap sa FIU Arena, Doral-Miami sa Florida noong Linggo (Lunes sa atin). Hindi nakuha ni Mary Jean Lastimosa ang suwerteng dala-dala nina Venus Raj, Shamcey Supsup, Janine Tugonon, at Ariella Arida na nakapasok lahat sa international pageant’s Top 5.
Gayunman, hindi naman nabigo ang ating mga kababayan nang kahit paano’y makapasok si MJ sa Top 10.
Itinanghal na Miss Universe ang pambato mula Colombia na si Paulina Vega, 22, sinundan ito ng Miss USA na si Nia Sanchez, Miss Ukraine Diana Harkusha, Miss Netherlands Yasmin Verheijen, at Miss Jamaica Kaci Fennel.
Iginawad naman ang Miss Congeniality special award, (na ang nagwagi’y mula sa boto ng mga kasamahang kandidata) kay Miss Nigeria. Si Miss Puerto Rico ang itinanghal na Miss Photogenic, samantalang si Miss Indonesia ay nakakuha ng award bilang Miss National Costume.
Napag-alaman naming isinilang noong Enero 5, 1993 si Paulina mula sa Barranquilla, Colombia. Anak siya nina cardiologist Rodolfo Vega Llamas at Laura Dieppa, at apo ng legendary tenor na si Gatsón Vega. Apo rin siya ni Elvira Castillo, Miss Atlántico 1953 (Colombia). Nagtapos ng business administration si Paulina sa Universidad Javeriana sa Bogota. Modelo na siya simula pa noong walong taong gulang pa lamang.
ni Maricris Valdez Nicasio