Mayor Binay, 5 pa ipinaaaresto ng Senado
hataw tabloid
January 27, 2015
News
TULUYAN nang ipina-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee si Makati City Mayor Junjun Binay at limang iba pa.
Nitong Lunes, pinangunahan ni Blue Ribbon Committee Chairperson TG Guingona ang deliberasyon na dinaluhan nina Blue Ribbon sub-committee Chairperson Koko Pimentel, siyang nagrekomendang i-contempt ang alkalde, at Sen. Antonio Trillanes.
Nagdesisyon ang komite na i-contempt si Mayor Binay kasama sina Ebeng Baloloy, tauhang tumanggap ng kickback sa Makati projects; dating Makati Administrator Marjorie De Veyra, Makati Administrator Atty. Eleno Mendoza, Makati Engineer Line Dela Peña, at OMNI Security Secretary Bernadette Portollano.
Kahapon din inasahang pipirmahan ni Guingona ang mga dokumento.
Kaakibat ng pag-contempt ang kautusan sa Sergeant-at-Arms na magsilbi ng warrant of arrest sa anim at ikulong sa detention cell ng Senado.
Cynthia Martin/Niño Aclan
Junjun magpapakulong sa Senado
HANDANG magpakulong si Mayor Junjun Binay na ipinaaaresto na ng Senado dahil sa patuloy na pang-iisnab sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee kaugnay ng mga isyu ng korupsiyon na kinasasangkutan din ng kanyang ama na si Vice President Jejomar Binay.
Kasabay nito, sinabi ni Binay na iaapela ng kanyang kampo ang contempt order ng Senado.
Pinanindigan ng alkalde na hindi patas ang pagdinig ng Senado dahilan upang magpasya siyang hindi na dadalo sa mga pagdinig.
Binigyang-diin ni Binay, sa umpisa ay nakipagtulungan siya sa pagdinig ng lupon ni Pimentel ngunit tila ipinahihiya lamang siya sa kanyang pagdalo at hindi pinakikinggan ang kanyang paliwanag.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ni Binay ang pagsilbi ng warrant of arrest at kusa aniya siyang sasama para magpakulong sa Senado.