DQ vs Erap ibinasura ng SC
hataw tabloid
January 22, 2015
News
IBINASURA ng Supreme Court (SC) ang disqualification case laban kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ito ang inianunsiyo ni SC spokesman Atty. Theodore Te makaraan ang sesyon ng mga mahistrado at lumabas ang 11-3 botohan.
Nilinaw ni Atty. Te na ang iginawad ni dating Pangulong Gloria Arroyo kay Estrada ay absolute pardon na nagpapanumbalik sa kanyang mga karapatan kabilang na ang muling paghawak ng government positions.
Una rito, dalawang petisyon ang inihain nina Atty. Alicia Risos-Vidal at dating Mayor Alfredo Lim laban kay Erap.
Katwiran nila, mula nang ma-convict sa kasong plunder noong 2007 at mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dapat sana ay awtomatikong diskuwalipikado na si Estrada o ibig sabihin ay wala na siyang karapatang tumakbo sa ano mang elected positions.
Ang executive pardon na ibinigay ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay hindi rin anila susi upang mabura ang diskuwalipikasyong ito.
Ngunit sa panig ni Erap, ang pardon aniya ang nagbalik ng lahat ng kanyang civil at political na karapatan.
Kung babalikan, noong 2013 election ay tinalo ni Estrada si Lim sa botong 343,000.
Binigyang-diin ni Vidal, dapat noon pa ito nadesisyonan dahil Abril 2013 pa siya nag-file.
Nagtataka lamang aniya siya kung bakit nauna pang madesisyonan ang ilang mga election protest na huling inihain kaysa kanila.
Palasyo dumistansiya
DUMISTANSIYA ang Palasyo sa pagbasura ng Korte Suprema sa disqualification case laban kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, lokal na usapin ang disqualification case at walang kinalaman ang Malacañang.
Aniya, kung ano man ang epekto ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, ipinauubaya ng Palasyo ang pagtalakay at paghimay sa isyu sa political analyst.
“The SC spoken on the petition against Mayor Erap. Since this is a local gov’t issue, we are not a party to the case. And whatever impact the decision has, we leave it with political analyst to discuss and dissect,” ani Lacierda.
Kaugnay nito, ang pagbabago aniya ng pananaw ni SC Associate Justice Teresita De Castro kay Estrada ay bunsod ng “awa” at “konsensiya”, ayon sa isang source sa Korte Suprema.
Si De Castro ang ponente ng desisyon na nagbasura sa disqualification case laban kay Erap na nakakuha ng 11 boto sa en banc session kahapon ng Kataas-taasang Hukuman bunsod ng absolute daw at hindi conditional pardon ang ipinagkaloob sa sentensiyadong mandarambong, ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si De Castro rin ang chairperson ng Sandiganbayan Special Division na nag-convict kay Estrada sa kasong plunder noong 2007.
“Naawa at nakonsensiya si De Castro dahil ‘kinonvict’ na nga niya sa plunder, kaya hindi na niya tatanggalin ngayon sa pwesto,” anang source.
Rose Novenario