Peryahan ng Bayan (Gamit ng heneral)
hataw tabloid
January 21, 2015
News
CAMP Crame, QC – “SA HALIP na sugpuin ang talamak na jueteng operations sa maraming lalawigan sa Luzon ay ginawa pang prente ng mga ilegalista sa sugal ang bagong imbentong laro ng PCSO na tinawag na Peryahan ng Bayan,” pahayag ng dalawang alkalde mula sa Pangasinan at Isabela.
Ang dalawang meyor ng malaking lungsod at bayan sa nasabing mga lalawigan ay nagtungo rito kahapon upang isumbong sa matataas na opisyales ng pambansang pulisya at sa kay DILG Secretary Mar Roxas ang umano’y pagsulpot ng Peryahan ng Bayan bilang bagong front ng jueteng operations.
Sa interbyu ng mga taga-tabloid ay binanggit ng dalawang alkalde ang isang Alyas General Varcenas na siya umanong nasa likod ng pagsalaula sa Peryahan ng Bayan project ng PCSO nang kanya itong gamitin na pantakip sa operasyon ng jueteng.
Isang alkalde naman sa Pangasinan ang sinasabing kasabwat ni Varcenas sa iligal na sugal sa bayan ng Laoac at silang dalawa ang umano’y financier at operator ng jueteng na ang mga kubradores ay walang pangingimi kung ipagyabang na may basbas ni Sec. Mar Roxas ang kanilang iligal na operasyon.
Inihayag naman ng alkalde mula sa Isabela na kasalukuyan umanong umaangat ang kubransa ng jueteng sa kanilang lalawigan na gamit ng mga iligalista o jueteng operators ang Peryahan ng Bayan.
Isang Alyas Col. Medina na sinasabing kolektor ng PNP regional command ang umiikot sa mga financier upang kumbinsihing mamuhunan sa iligal na sugal gamit ang Peryahan ng bayan.
Sa kaugnay na balita, naaresto naman ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation ang 12 kubrador o umano’y mga iligalistang kumokolekta ng mga taya sa jueteng na gamit ang Peryahan ng Bayan project ng PCSO.
Nalambat ng mga operatiba ng NBI ang sinasabing bet collectors habang nasa aktong nagpapataya at umaareglo ng bolahan sa bayan ng Laoac sa lalawigan ng Pangasinan noong Enero 14, 2015.
Agad na sinampahan ng sakdal ang mga iligalistang pinaniniwalaan na kubrador sa jueteng ng grupo ni Varcenas at matapos aprubahan ni Assistant Provincial Prosecutor Francisville A. Asuncion ang kasong paglabag sa anti-illegal gambling noong Enero 15, 2015 ay agad na dinala ang mga suspek sa NBI office sa Maynila.
“Ang pagka-aresto ng mga taga-NBI sa illegal gambling suspects ay patunay na ginagamit nga ng grupo ni Varcenas ang Peryahan ng Bayan sa iligal na sugal dahil ang mga pruwebang nasamsam ay mga papelitos na gamit sa jueteng at ang kanilang pagpapataya ay labag sa regulasyon ng PCSO na dapat gumamit ng opisyal na resibo,” pahayag ng opisina ni Pangasinan Gov. Amado T. Espino, na siyang tumawag ng pansin sa awtoridad para sugpuin ang paglipana ng droga at jueteng sa kanilang lalawigan.
Kinumpirma naman ng isang kernel sa pangasinan ang pagsulpot ng jueteng ng grupo ni Varcenas gamit ang peryahan ng bayan dahil “umiikot ang kanilang kubrador sa halip na magkaroon ng betting terminal na siyang isinasaad ng permiso galing sa PCSO.”