Sunday , December 29 2024

Pope Francis umuwi na sa Roma

FRONTMAKARAAN ang makasaysayang pagbisita sa Filipinas, bumiyahe na si Pope Francis pabalik sa Roma kahapon.

Dakong 10:13 a.m. kahapon nang lumipad ang special flight PR-8010 ng Philippine Airlines para ihatid si Pope Francis. Alinsunod sa tradisyon ng Simbahan, ang flag carrier ng pinanggalingang bansa ang magdadala sa Pope sa susunod nitong destinasyon.

Ngunit bago umalis, muling nag-open motorcade si Pope Francis mula sa Apostolic Nunciature patungong Villamor Airbase dakong 9 a.m.

Tulad sa nakaraang mga araw, libo-libo ang dumagsa sa ruta ng convoy para bumati, magpasalamat at magpaalam sa Santo Papa, at naging magiliw pa rin si Pope Francis sa pagbati at pasasalamat sa mga nag-abang sa kanya.

Pagdating sa Villamor, binigyan siya ng simpleng send-off ceremony na pinangunahan ni Pangulong Benigno”Noynoy Aquino III, mga miyembro ng gabinete at ng Catholic Church leaders kabilang si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

May mga bata rin mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sumayaw at umawit bago magpaalam sa Santo Papa.

Magugunitang Enero 15, Huwebes, nang dumating ang Santo Papa sa Filipinas.

Kabilang sa hindi malilimutan ang tanong ng isang batang babae kay Pope Francis sa Encounter with the Youth sa University of Santo Tomas (UST) kung bakit hinahayaan ng Diyos na masadlak sa droga at prostitusyon ang mga batang lansangan at ang tugon dito ng Santo Papa.

Maituturing na highlight ng kanyang pagbisita ang pagdalaw niya sa mga survivor ng Bagyong Yolanda sa Leyte nitong

Sabado, Enero 17, bagama’t napaikli dahil sa masamang panahon, at ang misa sa Luneta na dinaluhan ng tinatayang 6 hanggang 7 milyon katao nitong Linggo, Enero 18, itinuturing ngayong pinakamalaking Papal event sa kasaysayan ng Simbahan.

Concluding mass sa Luneta largest Papal Event

LUMIKHA ng panibagong tala, hindi lang sa kasaysayan ng mga Santo Papa kundi maging sa kasaysayan ng mundo, ang pagdating ni Pope Francis sa bansa, ang ika-266 lider ng Simbahang Katolika mula kay San Pedro, batay sa tradisyon.

Bagama’t tumanggi muna ang tagapagsalita ng Pambansang Pulisya na magbigay ng datos kung gaano karami ang mga dumalo sa huling misa ni Pope Francis sa Filipinas, agad nagbigay ng pagtaya si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at sinabing nasa anim na milyon o higit pa ang dumagsa para makita ang Santo Papa sa Luneta.

“‘Yung inilabas namin na crowd estimate, kasi may come and go kanina, ‘yung Luneta Mass attendee pati itong papal route pabalik ulit ng Roxas Boulevard, Quirino, plus ‘yung nasa likuran, nag-over na tayo siguro ng six million,” sabi ni Tolentino.

Ito ang kaparehong datos na nakarating sa mga opisyal ng Vatican kaya ayon sa tagapagsalita ng Holy See na si Rev. Fr. Federico Lombardi, posibleng ito na ang pinakamalaking papal event sa kasaysayan.

“Between six and seven millions, these are the numbers that were given by the assistant sent by the president to help the Vatican,” sabi ni Lombardi. “We were not able to number these people but we have seen so many people so we believe that it was possible.”

Dahil dito, sinabi ng tagapagsalita ng Vatican na ito na ang pinakamalaking papal event sa kasaysayan.

“If it is true, and we think, this is the largest event of the history of the popes, at least. Before it was in Manila in 1995 four to five million and then Manila 2015 is six or seven. Next time we have to come back to Manila,” pagbibiro ni Lombardi.

Tinutukoy niya ang World Youth Day Mass na pinangunahan ng noo’y Santo Papa na si Saint John Paul II na tinatayang hindi bababa sa limang milyon ang mga dumalo.

Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, mismong si Pope Francis ay interesadong malaman kung gaano karaming tao ang nagpunta at sumalubong sa kanya.

Nasambit na lang aniya ng Santo Papa na: “I cannot fathom the faith of the people.”

People’s Pope natuwa sa hospitality ng Pinoy

TUWANG-TUWA si Pope Francis sa hospitality na ipinakita at pagmamahal na ipinadama sa kanya ng mga Filipino sa limang araw na pagbisita sa bansa, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ng Pangulo sa Santo Papa, ito ang dahilan kaya naniniwala siyang isang pribelehiyo ang maglingkod sa sambayanang Filipino.

Wala aniya siyang hiniling sa Santo Papa para sa kanyang sarili dahil inuna muna niya ang sambayanan.

“Parang inuna ko muna siyempre ‘yung sambayanan bago ‘yung sa atin. Ako dinasal ko na lang kay Jesus ‘yung personal natin,” aniya pa.

Ngunit kahit maituturing na tagumpay ang Papal visit ay kombinsido ang Pangulo na kulang pa rin ang aspeto ng seguridad at kailangan dagdagan pa lalo na’t gaganapin sa bansa ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Nobyembre.

Nabatid kay National Security Adviser Cesar Garcia, bago pa dumating ang Santo Papa sa Filipinas ay nagbigay na ang mga kaalyadong bansa ng listahan ng mga personalidad na hindi dapat papasukin dahil banta sila sa seguridad.

Binigyang-diin ni Garcia na ang iba sa nakalagay sa listahan ay kasama sa United Nations Security Council Sanctions List, ang iba’y mula sa mga teroristang grupong Al-Qaeda at Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

Umabot sa 616 indibidwal at 421 entities, groups ang nakatala sa UN Security Council Sanctions List.

Rose Novenario

Pnoy ‘umilag’ sa mensahe ni Pope

WALANG epekto kay Pangulong Benigno Aquino III ang mensahe ni Pope Francis na gawin sa reyalidad ang pagtulong sa mahihirap imbes na mga pahayag lamang.

Naniniwala si Pangulong Aquino na hindi siya ang pinatatamaan ng naturang mensahe ng Santo Papa dahil may dalawa’t kalahating milyong Filipino na aniya ang naiangat sa kahirapan ng kanyang administrasyon sa nakalipas na mahigit apat na taon.

“Palagay ko hindi nakatukoy sa atin ‘yan, ano. May two and a half million people tayong naingat sa poverty level. Merong parang 1 million to 1.6 million na bagong trabahong nalikha — ito ‘yung pinakabagong mga figure mula 2013, kung hindi ako nagkakamali. Tuluy-tuloy pa rin ‘yung ginagawa natin diyan,” anang Pangulo matapos send-off ceremony sa Santo Papa kahapon sa Villamor Air Base.

Hindi aniya mararamdaman sa magdamag ang resulta ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) pero patungo na ito sa pagtamasa ng biyaya ng mga benepisyaryo.

Rose Novenario

Cardinal Tagle todo-pasalamat sa tagumpay ng Papal Visit

NAGPASALAMAT si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa Filipinas nitong Enero 15 hanggang 19.

Sa press conference kaugnay sa pagtatapos ng limang araw na state at Apostolic visit ng lider ng Simbahang Katoliko nitong Lunes, binati ni Tagle ang mga indibidwal na nasa likod ng pagbibigay ng seguridad sa Santo Papa partikular na ang militar at pulisya.

Naikwento niyang may isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang naluha at nagpasalamat sa kanya makaraan mabanggit ang grupo na isa sa mga tumulong sa seguridad ng Santo Papa.

Banggit aniya ng nasabing miyembro ng PSG, tila nawala ang pagod niya dahil sa pagbanggit sa kanilang hanay.

Pinasalamatan din ng kardinal ang mga miyembro ng media at mga debotong mainit na sinalubong si Pope Francis sa pamamagitan ng pagpunta sa kanyang mga misa at pag-abang sa kanya.

“We want to thank the media people, those in communications and the ordinary Filipino: those who lined up on the streets, those who woke up at 2 o’ clock in the morning but never got to the quadrant in Luneta but still stayed and up to this day. This event is really an act of communion, an act of solidarity and it is a miracle in itself,” masayang pagbanggit niya.

NCRPO nagpasalamat sa disiplina ng Pinoy

NAGPASALAMAT ang National Capital Region Police (NCRPO) sa pagmamahal at disiplinang ipinakita ng mga Filipino sa limang araw na pananatili sa bansa ng Santo Papa.

Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Carmelo Valmoria, naging matiwasay at walang ano mang hindi magandang nangyari sa bansa at maging kay Pope Francis.

“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng ating kababayan dahil nakatulong sila at nakipag-kooperasyon sila sa lahat ng aming ipinatupad na seguridad sa panahon ng pananatili ng ating Santo Papa,” pahayag ni Valmoria.

Pinasalamatan rin ng NCRPO Director ang hanay ng pulisya na naging mabuti ang pagtugon sa pagbisita ng Santo Papa.

Jaja Garcia

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *