AMINADO ang teenstars na sina Alexa Ilacad at Nash Aguas na crush nila ang isa’t isa. Ayon kay Nash, nakakatulong daw ito para sa kanilang mga eksenang nakakakilig sa kanilang top rating na seryeng Bagito sa ABS CBN.
“Siguro dahil magkaibigan na kami dati and sobrang close kami ngayon, para kasing wala na kaming ilangan. Lahat ng ginagawa naming scenes na ipinapalabas po ngayon, iyong mga kilig-kilig actually, nakaka-enjoy po siyang gawin. Nakakatuwa po siyang gawin.”
Nagustuhan daw ni Nash kay Alexa ang kabaitan nito kaya niya naging crush ang dalagita.
“Sobrang mabait and maalaga. Kasi minsan, kapag lagi kaming magkasama, halos araw-araw po, ‘di ba? Minsan parang nagiging pangalawang nanay ko na nga iyan na minsan pinapagalitan niya ako sa mga bagay-bagay. Caring siya…”
Sa parte ni Alexa, sinabi niyang kung sa hinaharap ay ganoon pa rin ang feelings nila sa isa’t isa, posible raw talagang maging sila ni Nash.
“Basta, nasa tamang age na kami, ‘tapos kung okay naman po sa parents namin, wala naman po sigurong problem. Right now, si Nash, pinararamdam niya sa akin ang pag-care niya, kung gaano siya ka-caring sa akin, na hindi siya ganoon sa iba,” saad ng dalagita.
Nilinaw naman ni Nash na hindi sila nagmamadali ni Alexa. “Actually, ang treatment namin sa isa’t isa, hindi naman yung boyfriend-girlfriend, more as best friends. Kasi, ‘yun ang talagang nagpi-fit sa ano namin. Hanggang doon lang muna talaga kasi, bata pa nga kami parehas. So, nagkakatulungan po kami pagdating sa teleserye, kahit sa career at sa personal, nagtutulungan po kami.”
Sinabi rin ni Nash na handa siyang maghintay kapag nasa tamang edad na si Alexa. “Oo, ako nga kahit hanggang 21 kaya naman, e.”
Sa ngayon, si Alexa ay 14 lamang, samantalang si Nash ay 16 years old na.
Samantala, magaganap ang malaking pagbabago sa buhay ng mga karakter ng Kapamilya teen stars na sina Nash, Alexa, at Ella Cruz sa pagbubukas ng bagong kabanata ng top-rating primetime drama series ng ABS-CBN na Bagito.
“Malaking blessing po para sa amin ang pagdating ng ‘Bagito’ last year. Kaya bilang pasasalamat po ngayong bagong taon, marami po kaming mga pasabog sa kuwento na mas tututukan nila tulad ng mga pagbabago sa buhay ng karakter kong si Drew bilang isang teenager, isang ama, at isang anak,” pahayag ni Nash.
“Sigurado pong makaka-relate ang viewers, lalo na po ‘yung mga kabataang gaya namin, sa ‘new chapter’ ng buhay nina Drew, Camille at Vanessa. Mas marami pong matututunan ang viewers tungkol sa pag-ibig, sa pakikipagkaibigan, at sa pagsunod sa mga utos ng magulang,” dagdag ni Alexa na gumaganap sa kuwento bilang si Camille na bestfriend ni Drew.
“Dapat abangan ng lahat kung paano magbabago ang samahan nina Drew at Camille ngayong nagbabalik na si Vanessa, at kung ano ang mga sakripisyong gagawin nila para mapalaki nang maayos si Baby Alby,” pahayag naman ni Ella, na kilala ng mga manonood ngayon bilang ang ina ng anak ni Drew na si Vanessa.
Upang mas makapagbigay ng gabay sa TV viewers, makikipagtulungan ang Bagito sa institusyon na Center for Family Ministries (CEFAM) para sa pagbubukas ng “Bagito Hangout” online forum na maaaring magtanong at humingi ng payo ang netizens sa counselors ng CEFAM. Ito ay magsisimula na sa Enero 19 (Lunes), mula 6:30PM hanggang 7:30PM sa http://bagito.abs-cbn.com/hangout.
Bukod kina Nash, Alexa, at Ella, bahagi rin ng powerhouse cast ng Bagito sina Agot Isidro, Ariel Rivera, at Angel Aquino. Kasama rin sina Paolo Santiago, Alex Diaz, at ang mga miyembro ng sumisikat na boy group na Gimme 5 na sina Joaquin Reyes, John Bermundo, Grae Fernandez, at Brace Arquia. Ito ay sa ilalim ng pamamahala nina Direk Onat Diaz at Jojo Saguin.
ni Nonie V. Nicasio