Drones bawal sa Papal visit
hataw tabloid
January 12, 2015
News
MAHIGPIT na ipatutupad ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang “no drone policy” sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa simula Enero 15 hanggang 19.
Sa advisory ng CAAP, ang gagamit ng unmanned aircraft systems o drones ay haharap sa multang P300,000 hanggang P500,000.
Nauna rito, idineklara ang ‘no-fly zone’ sa three nautical miles radius mula sa ibaba hanggang 18,000 feet taas sa mga erya na bibisitahin at magkakaroon ng mga aktibidad ang Santo Papa.
Kaugnay nito, hinikayat ni CAAP Deputy Director General for Operations Rodante Joya, ang publiko na i-report ang ano mang hindi awtorisadong operasyon ng drones sa Operation Rescue and Coordinating Center hotlines: 02-8799110 or 0917-8607245.
AFP kasado na PNP 100% ready
PINANGUNAHAN ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. ang ‘mustering of troops’ kahapon ng umaga sa Kampo Aguinaldo upang tiyaking kompleto ang mga tropa at kanilang mga kagamitan sa pagbibigay seguridad kay Pope Francis.
Sa mensahe ni Catapang, kanyang hinimok ang kanilang hanay na ipakita sa Santo Papa na nagagalak sila sa kanyang pagdalaw.
Paalala ng chief of staff sa mga sundalo, siguruhin ang kaligtasan ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika dahil maging ang ibang relihiyon ay hinihintay ang pagbisita ni Pope Francis.
Samantala, kinompirma ng pamunuan ng pambansang pulisya na 100% na silang handa para sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero 15 hanggang 19, 2015.
Ayon kay PNP PIO chief, Chief Supt. Wilben Mayor, ‘in placed’ na ang lahat para sa kanilang paghahanda na mabigyan nang sapat na seguridad ang Santo Papa.
Sinabi ni Mayor, ngayong araw ay magkakaroon ng dry run para makita nang husto ang paglatag nila ng seguridad.
Giit ni Mayor, ang layon ng mga law enforcer ay masiguro ang kaligtasan ng pinakamataas na lider ng simbahang katolika.