Deboto patay sa atake
hataw tabloid
January 10, 2015
News
BINAWIAN ng buhay ang isang deboto nang atakehin sa puso sa kalagitnaan ng traslasyon ng Itim na Nazareno kahapon.
Inatake ang 44-anyos na si Renato Gurion habang palabas ng Quirino Grandstand ang andas ng Itim na Nazareno, ayon kay Johnny Yu, head ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO),
Agad dinala ang biktima sa Manila Doctors Hospital ngunit ayon kay Yu, “announced po na DOA po, dead-on-arrival.”
Habang salaysay ni Barangay Kagawad Adam Sanding, isa sa mga kasama ng biktima, nasa ibabaw ng andas si Gurion at nadaganan nang manlupaypay makaraan atakehin.
Halos dalawang oras ang itinagal bago maiusad ang andas dahil sa dami ng taong nagpupumilit makalapit at makakapit sa lubid.
Si Gurion, residente ng Sampaloc, Maynila, ay niyembro ng Hijos de Nazareno. May uniporme pang-hijos o mga nangunguna sa paghila at prusisyon ng andas, na ipinakita ang mga kasamahan ng biktima sa ospital.
Leonard Basilio
Anak natagpuan ng 67-anyos ina sa Traslasyon (Anim na buwan nagkawalay)
SA tila himala ng Poong Nazareno, nagkatagpo sa traslasyon ang mag-inang halos anim buwan nang nagkawalay.
Kwento ng 67-anyos na si Erlinda Dizon, Hulyo 11 noong nakaraang taon nang mawala ang 39-anyos anak niyang si Alexander sa isang fastfood chain sa Santolan, Pasig.
May sakit aniya ang kanyang anak, may memory loss at hindi nakapagsasalita.
Sa ilang buwan paghahanap, bigo siyang matagpuan ang anak.
Ngunit sa traslasyon kahapon, naitulak siya ng mga deboto sa isang lalaking hindi niya nakilala noong una dahil nakatalikod.
Ngunit nang makita niya ang braso ng lalaki, nakilala niyang ito ang kanyang nawawalang anak.
“N’ung makita ko ‘yung kanyang braso, ganun na ganun ho ang kanyang idinadaing na sakit. Nabungi na siya, tapos kalbo.”
Bagamat hindi nakapagsasalita, nakilala ni Alexander ang kanyang ina. Ngumingiti rin siya nang ipakita ng ina ang bitbit na litrato ng anak kasama ang mga kaibigan sa Manggahan, Pasig kung saan sila nakatira.
Ito na ang ika-14 taon na pamamanata sa Poong Nazareno ni Aling Erlinda na nagdiriwang din ng kaarawan kahapon.
“Ang hirap po ng buhay namin. Maysakit siya (Alexander), may kanser. Siya talaga ang ipinamamanata ko.”
Mangiyak-ngiyak ang ginang lalo’t sabay na silang uuwi ng kanyang anak sa Pasig.
Black Nazarene devotees religious group nagkainitan
NAGKAINITAN ang mga deboto ng Black Nazarene at isang religious group sa kanto ng Maria Orosa at P. Burgos Streets kahapon.
Ito’y nang umeksena sa traslasyon ang grupong nagpakilalang Evangelical Church.
Bitbit ang megaphone, ipinagsisigawan ng grupo na huwag sumamba, yuyukod at maglilingkod sa diyos-diyosan, larawan o rebulto ng ano mang lumalang.
Napikon ang mga deboto dahil itinaon pa ang pagkilos sa Pista ng Itim na Nazareno na isa anilang malinaw na pambabastos.
Sa galit ng mga deboto, ipinagtabuyan nila ang grupo at pinagpupunit ang mga dalang tarpaulin.
Bagama’t umalis, lumipat lang ng lugar ang Evangelical Church group at itinuloy ang kanilang ginagawa.