ni Pila Mateo
DREAM big!
Sa kabila ng pagdapo ng pambihirang sakit sa kanyang kalamnan (muscular dystrophy), pagsusumikapang abutin ng teenager na si Andre ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Si Jairus Aquino ang gaganap sa katauhan ni Andre sa ihahatid na espesyal na istorya ng MMK (Maalaala Mo Kaya) sa Sabado, Enero 10, 2015 sa ABS-CBN.
Sa nasabing episode, matutunghayan ng viewers kung paano nanatiling positibo sa buhay si Andre at nabuhay ng normal sa tulong ng kanyang ama na si Rodolfo (gagampanan niDominic Ochoa) na laging pinalalakas ang kanyang loob.
Pero sa isang kudlit ng panahon, mayayanig ang mundo ni Andre sa sandaling mawala sa tabi niya ang pinakamamahal niyang ama. Maglalaho ba ang kanyang pag-asa sa buhay o patuloy niyang pagsusumikapang abutin ang kanyang pangarap na binuo kasama ang kanyang tatay?
Isang nakaaantig na kuwento ng mag-ama ang itatampok at matutunghayan na tampok din sina Lara Quigaman, Eliza Pineda, Angelo Ilagan, at JB Agustin. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Raz de la Torre at panulat ni Mary Rose Colindres.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Filipino saan man sa mundo angMMK na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kuwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.
Puwede na ring panoorin ang full episodes o past episodes ng MMK gamit ang ABS-CBNmobile. Pumunta lamang sa www.abscbnmobile.com para sa karagdagang impormasyon.