Trillanes umaksiyon vs dagdag singil sa tubig
hataw tabloid
January 8, 2015
News
INIHAIN ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang Proposed Senate Resolution No. 1089 upang imbestigahan ang panibagong dagdag-singil sa tubig ng dalawang pinakamalaking water concessionaire sa Metro Manila, ang Manila Water Company at Maynilad Water Services.
“Dapat ipaliwanag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kasama ang Maynilad at Manila Water, itong dagdag pasanin na ito sa ating mga kababayan. Sa halip na ipatupad ng mga concessionaire ang rollback na ipinag-utos ng MWSS noong 2013 dahil sa sinasabing mga ilegal na gastos na ipinasa nila sa taong bayan, sinalubong tayo ng panibagong dagdag-singil sa tubig,” ani Trillanes.
Magpapatupad ang Manila Water ng dagdag 36 sentimo kada cubic meter o P20.26 sa mga kumukonsumo ng 30 cubic meters kada buwan, samantala magpapatupad naman ng 38 sentimo ang Maynilad kada cubic-meter o P9.15 sa mga kumukonsumo ng 30 cubic-meter ng tubig.
Sinabi ni MWSS administrator Gerry Esquivel pinahintulutan nila ang pagtataas ng singil sa tubig ng Manila Water at Maynilad bilang bahagi ng foreign currency differential adjustment (FCDA), o ang pagbabago ng halaga ng piso laban sa ibang pera ng ibang bansa.
Ngunit ito ay kinontra ng Water for All Reform Movement (WARM) at sinabing ‘di sapat na rason ang FCDA upang itaas ang singil sa tubig dahil nagbabayad na umano ang mga tao ng Currency Exchange Rate Adjustment (CERA) sa tuwing may pagbabago sa foreign currency rates. Ayon sa WARM, isa ito sa dapat bayaran ng publiko.
Ang mga dagdag-singil na ito ay susundan muli ng dagdag-singil ng Maynilad dahil ang arbitration panel, na hinainan ng apela ng Maynilad noong 2013 ukol sa sinasabing ”rate rebasing adjustment,” ay pinayagan nang ipatupad ang dagdag-singil sa tubig na dati nang gusto nito, ayon sa desisyon ng panel nitong Disyembre 29, 2014. Ito ay nangangahulugan na tataas pa ng 9.8 porsiyento ang average na singil sa tubig na P31.28 noong 2013, o katumbas ng P3.06 kada cubic meter.
Dagdag ni Trillanes, ang mga dagdag-singil ay lumalabas na ilegal at labag sa Saligang Batas, at walang konsiderasyon sa paghihirap ng mga ordinaryong kababayan na kasalukuyan nang pinapasan ang dagdag-pasahe ng MRT at LRT, at iba pang mataas na presyo ng bilihin, samantala ‘di naman tumataas ang pasahod sa kanila.
“Bukod dito, hindi naabisohan kaagad o nakonsulta man lang ang publiko ukol sa mga nasabing dagdag-singil na pinahintulutan ng MWSS Regulatory Office. Lumalabas na may paglabag sa tamang proseso, social justice, full public disclosure, people’s participation at adequate consultation requirements na itinatakda ng konstitusyon,” ani Trillanes sa kanyang resolusyon.
“Sa pamamagitan ng imbestigasyon, inaasahan na malaman natin kung nararapat ba ang mga dagdag-singil nang sa gayon ay makapaghain nang nararapat na panukalang batas upang maprotektahan ang interes ng ating mga kababayan,” dagdag ni Trillanes, na una nang kinuwestiyon noong 2013 ang sinasabing ilegal na pagpapasa ng water concessionaire ng gastusin nila sa publiko, kasama rito ang annual corporate income taxes, travel and entertainment expenses, advertisements, donations, at training expenses.
Niño Aclan